Revilla

Revilla di matitinag ng Achilles tendon rupture sa pagbibigay ng serbisyo

April 17, 2024 Edd Reyes 85 views

SA kabila ng tinamong pinsala sa likurang bahagi ng kanyang paa habang gumagawa ng pelikula, tiniyak ni Senator Ramon “Bong” Revilla na tuloy ang kanyang trabaho at pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayang Filipino.

Ang naturang pinsala na tinatawag na Achilles tendon rupture ay nagpapabagal sa kilos ng isang tao kaya’t sa anumang oras ay nakatakda ng isailalim sa operasyon si Sen. Revilla sa pagnanais maibalik kaagad ang kanyang lakas.

Sa katunayan, kahit dumaranas ng matinding sakit ay mas nananaig ang kanyang dedikasyon sa tawag ng tungkulin dahil hindi aniya niya hahayaang makasagabal ito sa kanyang pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

“I may have suffered a physical setback, but my commitment to serving the Filipino people remains as strong as ever,” pahayag niya.

Bukod dito, hindi rin naging hadlang ang tinamong pinsala upang mapanatili ang perpektong attendance sa sesyon ng Senado at pagdalo sa pagpululong ng mga komite, na pagpapamalas ng kanyang responsibilidad bilang mambabatas.

Tiniyak niya na handa na siya sa pagbubukas ng sesyon ng Senado sa Abril 29 at hindi liliban sa anumang mga pagdinig at opisyal na aktibidad.

Ang ipinamamalas na tiyaga at dedikasyon sa serbisyo publiko ni Senator Revilla ang nagsisilbing inspirasyon sa marami dahil kahit sa hirap ng pagkilos at paglalakad na dulot ng pinsala, lumilitaw pa rin ang pagiging tunay na lider at pangakong pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan.

Sa kasalukuyan, aktibo sa pagsasagawa ng information drive si Revilla sa inakda niyang naipasang batas na R.A, 11984 o ang “Revilla Law” na nagbabawal sa “No Permit, No Exam Policy” at ang R.A. 11982 o ang Expanded Centenarian Act na magkakaloob ng P10,000 cash na insentibo sa mga seniors na sasapit sa edad na 80, 85, 90, at 95 at P100,000 pagdating ng 100 taon.

“I will continue to fulfill my duties as a public servant, ensuring that the needs of our people through legislations that i advocate are met, and that our country moves forward,” pahayag niya.

AUTHOR PROFILE