Default Thumbnail

Cashier ng bangko kalaboso dahil sa qualified theft na P736K

June 11, 2023 Steve A. Gosuico 380 views

CUYAPO, Nueva Ecija — Arestado ang cashier ng isang bangko dito matapos akusahan ng umano’y nagnakaw ng humigit-kumulang P736,100 na pera sa vault ng bangko noong Sabado, ayon sa ulat.

Sinabi ni Police head Lt. Col. Erwin V. Ferry na inaresto ng kanyang mga tauhan ang suspek, na kinilala bilang isang 25-anyos na binata, nakatalaga bilang cashier sa Producers Bank-Cuyapo branch, ng Bgy. Bantug, ng bayang ito.

Sinabi ni Ferry na ang mga rumespondeng pulis sa pangunguna ni Kapitan Benedick Lagmay, deputy police head ay nagsagawa ng pag-aresto alas-6:30 ng gabi, bunsod ng reklamong natanggap ng pulisya mula kay Lovelyn Malibiran, assistant vice president at regional head ng Producer’s Bank.

Ang naarestong suspek ay inakusahan ng pag-tangay ng cash mula sa vault ng bangko na nagkakahalaga ng P736,100 matapos ang isang cash-in-vault audit na ginawa ni Hermie Nartates, reliever-cashier ng bangko.

Sa pag-aresto, narekober ng mga pulis ang nasa P40,000 cash mula sa suspek.

Inihahanda na ang kasong qualified theft para sa inquest-filing laban sa naarestong suspek.

AUTHOR PROFILE