Duterte & Go

Bong Go: Wala kaming isyu ni Mayor Sara

August 27, 2021 People's Tonight 340 views

IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go na walang anumang namamagitang isyu sa kanila ni Davao City Mayor Sara Duterte, lalo na sa usaping pulitika o tungkol sa darating na halalan.

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag kasunod ng hinala o pinalalabas ng ilan na may sigalot sila ng Presidential daughter na nagsimula dahil sa mga lumulutang na posible silang maging magkatunggali sa pampanguluhang halalan sa susunod na taon.

Muling nilinaw ng senador na buo na ang kanyang desisyon na hindi siya sasabak sa presidential elections sa pagsasabing hindi niya ito ambisyon.

Sinabi ni Go na sina Mayor Sara at Pangulong Duterte lamang ang nag-uusap ukol sa pulitika at kung ano man ang kalabasan ng pag-uusap ng mag-ama ay siya niyang susuportahan.

“Nais kong klaruhin na silang mag-ama ang nag-uusap tungkol sa pulitika. Kung ano ang usapan nilang magtatay, nasa sa kanila na po iyon. Pero tulad ng sinabi ko noon, anuman ang magiging desisyon nila, susuportahan ko,” idiniin ni Go.

Ayon kay Go, palagi naman silang nagkakausap ni Mayor Sara at wala naman silang problemang dalawa.

Hindi aniya mangyayari na magkaroon silang dalawa ng isyu sa pagsasabing kung ano ang pagmamahal niya sa tatay ay gayundin ang pagmamahal niya sa mga anak.

“Wala kaming isyu sa isa’t isa. Kung anong pagmamahal ko sa tatay, ganun din po ang pagmamahal ko sa mga anak. Alam ni Pangulong Duterte ‘yan,” ayon sa senador.

Ayon sa senador, nangako siya kay Pangulong Duterte na sasamahan siya habangbuhay at palaging nagbibilin sa kanya ang Chief Executive na huwag pababayan ang kanyang mga anak.

“Isa sa mga ipinagbilin niya sa akin ay huwag kong pababayaan ang mga anak niya kung wala na siya sa mundong ito,” sabi ni Go.

Kaya naman idiniin ni Go ang tungkol sa endorso sa kanya ng PDP-Laban sa pagsasabing lubos siyang nagpapasalamat sa tiwala sa kanya ng mga kapartido sa pagkokonsidera sa kanya at kay Pangulong Duterte na maging standard bearer sa 2022 elections.

‘Ngunit hindi pa rin nagbabago ang isip ko. Hindi talaga ako interesado,” sabi ng mambabatas.

Nilinaw din sa isang pahayag ni Mayor Sara na wala talaga silang sigalot ni Sen. Go kasunod ng mga lumalabas na malisyosong report.

“This is not true. It seems the source talking does not know me. I do not hold a grudge against Senator Go with regard to his relationship with PRRD (President Duterte),” sabi ni Mayor Sara.

AUTHOR PROFILE