Go

Bong Go: Pumili ng katimbang ni PRRD

August 27, 2021 People's Tonight 442 views

Gobyernong may malasakit

KUNG ang susunod na halalan ang pag-uusapan, inihayag ni Senator Christopher Bong Go na dapat pumili o ikonsidera ng Filipino ang gobyernong tunay na may malasakit sa mamamayan at maipagpapatuloy ang kasalukuyang pamamahala.

“Pagdating sa usapin ng susunod na eleksyon, ang pangunahing konsiderasyon ko naman talaga mula noon hanggang ngayon ay continuity,” ayon kay Go.

Sinabi ni Go na ang dapat mahalal na bagong lider sa susunod na gobyerno ay kung papaano maipagpapatuloy ang mga magagandang pagbabago na nasimulan ni Pangulong Duterte, lalo na ang kampanya laban sa kriminalidad, korapsyon at iligal na droga.

Binanggit din ng senador ang kahalagahan kung papaano rin maipagpatuloy ang pagkakaroon ng isang gobyerno na may malasakit sa kanyang mamamayan para maiahon ating bansa mula sa mga krisis.

“Iyon ang aking konsiderasyon sa pagpili ng susunod na mamumuno sa ating bansa. Importante na may katimbang si Pangulong Duterte na kayang ipagpatuloy ang mga nagawa niya. Iyan ang continuity na sinasabi ko,” ayon sa senador.

Gayunman, muling idiniin ni Go na isantabi siya sa mga pagpipilian na susunod na presidente ng bansa.

“Please lang, huwag lang ako. Unahin niyo na lang ang mga may gusto talagang tumakbo bilang Pangulo,” sabi ni Go.

Para sa kanya, mas gugustuhin niyang tahimik na nagseserbisyo para sa kabutihan ng kapwa Filipino bilang senador.

Sa ngayon ay nakapokus si Senador Go kung papaano matutulungan ang pamahalaan na maiahon sa krisis ang bansa at kung papaano malalampasan ang kasalukuyang pandemya.

Ayon kay Go, walang dudang si Davao City Mayor Sara Duterte ang susuportahan niya kung magdedesisyon ang anak ng Pangulo na sumabak sa presidential race.

“My position has not changed. I am still not interested in running for President. And as I have said before, if Mayor Sara runs, I will support her,” ang pagdidiin ni Go.

“I leave my fate to God, to the Dutertes—kung anuman ang desisyon nila Pangulong Duterte at Mayor Sara pagdating sa pulitika —and to the Filipino people dahil sila po ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na makapaglingkod sa kapwa at marating kung saan man po ako nandirito ngayon. Hindi ko sasayangin ito,” idinagdag ng senador.

“As chair of the Senate Committee on Health, patuloy akong naka-focus na tulungan ang gobyerno at ang ating mamamayan na malampasan ang pandemya sa mas lalong madaling panahon. Bakuna muna bago pulitika. Maraming salamat po,” idiniin ni Go.

AUTHOR PROFILE