Bong Go

Bong Go umalma sa health insurance requirement sa face-to-face classes

April 21, 2022 People's Journal 105 views

NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno na gawing simple ang pagdalo ng mga estudyante sa kolehiyo sa harapang klase.

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag matapos malaman na ginawang requirement o tanging ang mga ganap na nabakunahang mag-aaral na may saklaw ng health insurance ang pinapayagang lumahok sa mga in-person classes na pinahintulutan ng gobyerno sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, batay sa Resolution 164 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ang mga unibersidad at kolehiyo sa mga lugar na nasa ilalim ng nasabing klasipikasyon ay maaaring magsagawa ng mga pisikal na klase sa buong kapasidad.

“Alam niyo, huwag na nating pahirapan ang mga kababayan natin sa pagbalik sa pag-aaral,” ani Go sa panayam matapos niyang bisitahin at bigyan ng ayuda ang mga nasunugan sa Malinta, Valenzuela City noong Martes.

“Hirap na nga ‘yung mga kababayan natin dito sa ating transition noong naging distance learning tayo. Tapos ngayon ‘pag pabalik na naman sa face-to-face learning mahihirapan na naman ang mga kababayan natin. Huwag na ho nating pahirapan pa mga kababayan ko,” idiniin ni Go.

Kaugnay nito, hinikayat ng senaddor ang mga estudyante na samantalahin ang kanilang PhilHealth insurance na ipinagkaloob ng Republic Act 11223 o ang Universal Health Care Law, na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018.

Nilinaw ni Go na ang insurance requirement ay hindi kailangang magmula sa pribadong provider sa pagsasabing ang mga estudyanteng may edad 21 pataas ay maaaring mag-enrol sa PhilHealth kung wala silang pera para magbayad ng mas mataas na premium.

Sa kabilang banda, ang mga mag-aaral na wala pang 21 taong gulang ay maaaring ituring na umaasa sa kanilang mga magulang o legal na tagapag-alaga.

“’Yung insurance naman po, hindi dapat private. So ibig sabihin, PhilHealth insured ka diyan. Dahil mayroon ka ng PhilHealth, ‘yung mga 21 years old and above eh miyembro ka na. Indigent ka, miyembro ka na po,” ani Go.

“‘Yung dependents naman less than 21 years old ‘yung mga dependents nila, puwede niyo gamitin insurance ‘yon,” idinagdag niya.

Muli niyang binigyang-diin na ang pagpapabakuna ay maaaring ituring bilang “pinakamahusay na insurance” upang mas maprotektahan ang mga Pilipino mula sa virus sa ngayon, at idinagdag na nagbibigay ito ng proteksyon laban sa panganib na magkaroon ng COVID-19.

“Sa mga kababayan natin, magpabakuna po kayo. Ang bakuna po ang insurance sa ngayon, wala nang iba,” iginiit ng mambabatas.

“‘Pag bakunado ka, mas insured ka not only sa papel but ‘yung kalusugan mo mas insured ka na hindi ka mahahawa at magkasakit o mamatay dahil sa COVID-19,” paliwanag ni Go.

Muling binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtiyak sa kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral at tagapagturo.

“So ako po’y nakikiusap sa mga kababayan natin na magpabakuna po kayo. ‘Yun po ang tanging susi o solusyon at insurance ninyo sa inyong buhay na makabalik tayo sa normal. Lalung-lalo na po dito sa mga estudyante na kailangan na po nilang bumalik sa face-to-face learning,” aniya.

AUTHOR PROFILE