Bong Go

Bong Go: Surveillance sa sintomas, border control vs monkeypox paigtingin

May 27, 2022 People's Journal 313 views

MATAPOS iulat ang tumataas na kaso ng monkeypox sa hindi bababa na 12 bansa, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapaigting ng surveillance sa sintomas at border control upang maiwasan ang pagpasok ng sakit sa bansa.

“I think nandidiyan naman po ‘yung symptoms monitoring sa ngayon. Ang ating DOH so far wala pa naman pong naiuulat na nakapasok dito… dahil mula po ‘yun sa Europe, sa ibang bansa tulad sa UK. So importante po dito ‘yung surveillance at border control po,” ani Go sa panayam matapos personal na tulungan ang mga nasunugan sa Navotas City noong Martes, Mayo 24.

“Siliping mabuti sa airport, sa lahat po ng entry ports natin, bantayan natin at huwag kumalat dahil kahit papaano hindi pa tayo tapos dito sa COVID-19 pandemic,” idinagdag niya.

Para hindi makapasok sa bansa ang monkeypox, pinataas ng Department of Health ang monitoring nito sa pakikipagtulungan sa iba pang awtoridad ng gobyerno, ayon kay Go.

“Sa ngayon, sa naiuulat po ng DOH kahapon, binabantayan nila nang mabuti at inaantay lang po ng Pangulo ‘yung rekomendasyon ng ating mga health officials kung kinakailangan bang isara, at kung gaano kadelikado itong monkeypox na ito,” anang senador.

May mga kamakailang ulat ng paglaganap ng monkeypox sa mga bansang Europa, United States of America, Australia at Canada. Ang bihirang sakit na monkeypox virus ay mula sa Orthopoxvirus genus sa pamilyang Poxviridae, ayon sa World Health Organization.

Ang variola virus na nagiging sanhi ng bulutong ay miyembro din ng genus ng Orthopoxvirus. Ang mga sintomas ng monkeypox ay natagpuang kapareho ng mga sintomas ng bulutong, ayon sa mga eksperto. Gayunman, ang monkeypox ay hindi gaanong nakahahawa at mas malala kaysa sa bulutong.

Parehong posible ang paghahatid ng tao-sa-tao at hayop-sa-tao, ang lagnat, mga pantal at namamagang lymph node ay kabilang sa mga karaniwang sintomas.

Nitong Mayo 24, wala pang natukoy na kaso ng monkeypox sa Pilipinas. Upang maiwasan ang pagkalat, pinayuhan ng DOH ang publiko na sundin ang mga pangunahing pag-iingat sa kalusugan tulad ng pagsusuot ng best-fitted masks at pagsasagawa ng physical distancing.

Bagama’t hindi kasing virulent ang monkeypox gaya ng iba pang mga sakit, binalaan ni Go ang publiko na mag-ingat pa rin lalo’t ang mundo ay patuloy na nasa COVID-19 pandemic.

“Kaya huwag tayong maging kumpiyansa dahil panibagong sakit na rin po ito, bantayan po nating maigi,” pagtatapos ni Go.

AUTHOR PROFILE