Bong Go, umaasang interes ng OFWs sa DMW, mangingibabaw
IGINIIT ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pangakong susuportahan ang bagong likhang Department of Migrant Workers at hinimok ang papasok na pamunuan na pagsisilbihan ang mabuti ang interes ng overseas Filipino workers.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11641 noong Disyembre 30, 2021 na lumilikha sa DMW. Layon nito na mapabuti ang koordinasyon sa mga ahensyang tumutugon sa mga suliranin ng mga migranteng manggagawang Pilipino.
Ang Senate Bill No. 2234 na inakda at itinataguyod ni Go ay pinagsama-samang bersyon ng isang naunang panukalang batas na ipinakilala niya upang itatag ang Department of Overseas Filipino Workers na magtitiyak sa mahusay at epektibong paghahatid ng mga kritikal na serbisyong pampubliko sa mga migranteng manggagawang Pilipino.
Sinabi ni Go na ang DMW ay naglalayong ipagtanggol at pangalagaan ang mga karapatan at interes ng mga modernong bayani ng bansa.
“Kaya nga natin sila binigyan ng sariling departamento para mayroon pong mag-aaruga sa kanila, mag-aasikaso na hindi na sila kailangan pang magmakaawa o tumakbo sa ibang ahensya para humingi ng tulong sa iba pang opisina,” ipinunto ng senador.
“Dapat po may nakatutok na departamento. Ayan na po ang departamentong ito, naisakatuparan na po,” dagdag niya.
Sa gitna ng mga transisyonal na hamon, inaasahan ni Go na mapabibilis ng papasok na administrasyon ang pagtatatag ng bagong tanggapan upang maging operational ang ahensya at agad na makapagsilbi sa mga migranteng manggagawa.
“Sana, pag-upo ng bagong administrasyon, ng bagong secretary ay talagang madadala ito nang maayos na nakatutok sa ating OFWs,” anang mambabatas.
“Full support po ako dito kahit sino pong mamuno. At kung saka-sakaling si Ma’am Susan Ople (‘yun), full support po ako dito.”
“Isa lang po ang aking pakiusap, paalala. Siyempre, unahin ang kapakanan ng ating mga OFW dahil para po sa kanila itong departamentong ito,” aniya pa.