Joey Papa

Biyaya ng pagpapagaling

February 4, 2024 Joey C. Papa 79 views

HUMILING tayo ng biyaya ng pagpapagaling mula sa Panginoon—ng ating katawan, emosyon, at kaluluwa—upang maisagawa ang ating misyon na isulong ang Kanyang ebanghelyo sa nakararami, nang sila din ay mapagaling.

Yan ang buod ng pagninilay-nilay sa ebanghelyo para sa araw ng Linggo kahapon, ayon kay Marko 1:29-39, sa paliwanag ng United States Conference of Catholic Bishops (USCCB).

Kailangangang malaman natin sa pagsusulong ng ating misyon kung alin ang mga dapat bigyang pansin at lunas agad, sabi ni Hesus at kailangang maging mahabagin at mapagmalasakit tayo sa mga nangangailangan. Kailangang gamitin natin ang mga pinagkaloob sa ating mga kakayahan at talento upang mapagsilbihan natin sila.

Sa pagsasagawa natin ng ating misyon, “gumising ng maaga, magdasal” na siyang ginagawa ni Hesus sa gitna ng napakarami niyang tinulungan sa araw-araw noong siya’y nasa lupa bilang tao.

Ang pagdarasal, aniya, ay dapat maging sentro ng ating buhay upang lagi tayong kunektado sa Diyos na makapangyarihan sa lahat.

Matindi ngayon ang mga hamon sa ating buhay, bayan, at buong mundo.

Kapansin-pansin na kanya-kanyang interes ng mga naghahari-harian sa atin ang nagtutulak ng paraang magpapalakas at magpapahaba pa ng kanilang kapangyarihan sa kasalukuyan; mga reclamation projects na sumisira sa kapaligiran at lalo pang magpapahirap sa mga kapos na sa buhay na umaasa sa biyaya ng mga lugar na tinatamaan ng mga proyekto; ang pag-angkin sa West Philippine Sea na nakasira na nga mga coral reefs at pumipigil sa paghahanap-buhay ng mga mangingisda; ang walang awang pagsalakay sa Gaza na kumikiitil ng mga inosenteng sibilyan, na ang karamihan ay mga bata at kabataan.

Malawakan at matindi ang sakit na kailangang bigyan ng lunas ng sanlibutan.

Ang pagmamalasakit ng mga nakararami na walang isinusulong na pansariling interes kundi ang kapakanan ng nakararami ang siyang makatutugon sa pagpapagaling ng sakit na ito, sa tulong ng tuloy-tuloy na pagdarasal at buong pagtitiwala sa Dakilang Lumikha dahil wala nang iba pang hihigit na paraan.

AUTHOR PROFILE