Binatilyo, 19, nawalan ng gf, nakitang nakabigti

June 24, 2021 Melnie Ragasa-limena 185 views

POSIBLENG dahil sa labis na sama ng loob, minabuti ng 19-anyos na binatilyo na wakasan ang kaniyang buhay sa pamamagitan nang pagbibigti matapos na hiwalayan umano ng kaniyang nobya sa Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.

Ang 19 anyos na biktima ay residente ng Brgy., Payatas, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-7:30 ng umaga (June 24) nang matagpuan ang nakabigting katawan ng biktima sa kisame ng kaniyang tahanan.

Batay sa sa pahayag kay PSSg Rhic Roldan Pittong, imbestigador ng CIDU-QCPD, ng kasamahan sa bahay ng biktima, pagkagising umano niya ay nagulantang na lamang siya nang bumungad sa kaniya ang nakabigting katawan ng biktima sa kisame gamit ang mga pinagbuhul-buhol na damit na ipinulupot sa leeg nito.

Agad na humingi ng saklolo ang testigo sa kaniyang mga kaanak pero nang maibaba ang katawan ng biktima ay wala na itong buhay.

Nabatid na bago ang insidente, nakipag-break umano ang nobya ng biktima dahil sa isang hindi pagkakaunawaan.