Default Thumbnail

Binatilyo, 16, tinangay baril ng sekyu

June 2, 2023 Edd Reyes 233 views

TINANGAY ng menor-de-edad na binatilyo ang service firearm at cellphone ng sekyu ng Navotas Isolation Facility nang makaidlip ang biktima Huwebes ng madaling araw sa Navotas City.

Naireport lamang ang insidente sa pulisya dakong alas-8:15 na ng gabi makaraang magreklamo ang biktima, 31, hinggil sa ginawang pagtangay umano ng binatilyo sa kanyang kalibre .38 service firearm at cellphone kaya’t kaagad iniutos ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang paghahanap sa menor-de-edad na suspek.

Hindi naman nabigo sina P/SSgt. Reynaldo Coquilla at P/Cpl. Ryan Arias ng Navotas Police Sub-Station 3, matapos nilang matunton ang 16-anyos na binatilyo sa Barangay Catmon, Malabon City kung saan nabawi sa kanya ang tinangay na kalibre .38 revolver na may apat na bala bagama’t wala na ang cellphone.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/Ssgt. Sammy Llanderal na habang naka-duty ang biktima sa pasukan patungo sa pasilidad, naidlip siya matapos ilagay sa ilalim ng mesa ang kanyang service firearm at cellphone.

Dito na sumalisi ang menor-de-edad na suspek subalit nakita siya ng isa pang guwardiya na kaagad sumigaw, dahilan upang kumaripas na ng takbo ang binatilyo.

Dinala na ng pulisya ang menor-de-edad na suspek sa Bahay Pag-Asa bilang pansamantala niyang tirahan matapos siyang iprisinta sa Navotas City Prosecutor’s Office para sa kakaharaping kasong pagnanakaw.

AUTHOR PROFILE