Default Thumbnail

Binata nagpaalam bago ‘nagpakamatay’

July 24, 2022 Edd Reyes 394 views

TUMALON sa C4 bridge sa Barangay Tañong ang isang 35 anyos na binata matapos magsabing gusto na niyang magpakamatay Linggo ng madaling araw sa Malabon City.

Tinangka pang iligtas ng kanyang ama ang biktimang hindi na binanggit ang pangalan sa pamamagitan ng pagtalon din sa ilog subalit hindi niya makita ang katawan ng anak dahil masyadong maputik at madilim ang tubig.

Bunga nito, humingi sila ng tulong sa Philippine Coast Guard (PCG) na kaagad namang tumugon hanggang matagpuan ang bangkay dakong 9 a.m. sa bahagi na ng dagat sa tulay ng C4 Road na sakop na ng Navotas City.

Batay sa ulat ni P/Cpl. Florencio Nalus na isinumite kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nakikipag-inuman ang binata sa kanyang mga kamag-anak sa labas ng kanilang tirahan sa Barangay Tañong dakong 3 a.m. nang magbanta ang biktima na magpapakamatay na siya.

Inakala ng mga kaanak na nagbibiro lamang ang biktima subalit bigla na lamang nagtatakbo patungo sa tulay ng C4 Road at tumalon sa maputik na ilog.

Hindi pa batid ng pulisya ang sanhi ng pagpapakamatay ng biktima bagama’t nagpahiwatig ang kanyang ama na posibleng ang kawalan ng pag-asa sanhi ng kahirapan posibleng dahilan ng pagpapatiwakal. Napagalaman na pamumulot lamang ng basura ang hanapbuhay ng mag-ama.

AUTHOR PROFILE