Default Thumbnail

BATANG BABAE PATAY SA SUNOG

March 18, 2023 Edd Reyes 1351 views

PATAY ang isang 12-anyos na batang babae habang apat pa ang sugatan sa sunog na umabot sa may 50 kabahayan Biyernes ng hapon sa Parañaque City.

Hindi pa inilalabas ng Parañaque Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagkakakilanlan ng batang biktima at ng apat pang nasugatan, kung saan ang dalawa rito ay nahirapang huminga habang nagtamo naman ng sugat sa bahagi ng katawan ang dalawa pa.

Sa ulat ng Parañaque BFP, sumiklab ang sunog sa hindi pa batid na dahilan dakong alas-2:12 ng hapon sa 8410 Gomburza Extension, Bgy. Sto Niño, na kaagad na itinaas sa ikalawang alarma hanggang tuluyang maapula ng alas-5:01 ng hapon.

Umabot sa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naturang sunog. Ang mga ito’y pansamantala ngayong nanunuluyan sa covered court ng Bgy. Sto Nino.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Arson Investigation Office ng Parañaque BFP upang alamin ang pinagmulan ng apoy, pati na ang halaga ng natupok na ari-arian.

AUTHOR PROFILE