Default Thumbnail

Barangay, SK elections ipinapagpapaliban na naman?

November 7, 2021 Vic Reyes 238 views

Vic ReyesMAYROON na namang nagsusulong sa Mababang Kapungan ng Kongreso na ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at SK elections sa Dec 5, 2022.

Sa nasabing panukala, gusto ay sa Disyembre 2024 na idaos ang nasabing eleksyon.

Grabe naman!

Minsan na ngang na-postpone ang Barangay at SK polls na ito.

Ngayon, gusto uling ipagpaliban ang pagsipa ng taumbayan sa mga mandurugas na opisyal ng barangay.

Huwag niyo namang kunsintihin ang mga walang kwentang opisyal ng barangay at SK.

Pabayaan niyo namang taumbayan ang mamili kung sino ang gusto nilang mamuno sa kanila.

Sa totoo lang, marami na ang gustong matanggal ang mga abusado at walang silbing opisyal ng barangay.

Hindi tamang palawigin uli ang panunungkulan ng mga opisyal.

Pabayaan niyong muli silang kumandidato.

Kung maayos naman ang kanilang panunungkulan ay muli silang iboboto ng kanilang mga nasasakupan.

Ang iba naman ay takot humarap muli sa tao kasi marami silang kasalanan.

***

Sa Lunes, Nobyembre 15, ay malalaman na natin ang mga talagang kakandidato sa pagka-pangulo, bise presidente at senador.

Sa araw na ito ang deadline ng pagpapalit ng kandidato para sa May 9, 2022 polls.

Siguradong masinsinang negosasyon ngayon ang nangyayari para lang piliin ang mga kandidato ng mga iba’t ibang partido.

Pero sa tingin natin ay hindi matatapos sa November 15 ang usapan.

Kahit matapos na ang “substitution” ng mga kandidato ay patuloy pa rin ang negosasyon.

Siyempre pag-uusapan pa kung sinu-sino ang mga ilalagay sa iba’t ibang opisina kung mananalo ang kanilang presidente.

Hindi puwedeng kopohin ng isang partido ang lahat ng magagandang puwesto.

Lalo na ang mga puwesto sa Gabinete.

Nandiyan din ang BoC, BIR, AFP, PNP, PCSO at Pagcor.

Wala dapat lamangan.

***

Kahit patapos na ang kanyang termino, kabilin-bilinan pa rin ni Pangulong Duterte sa BoC na paigtingin ang kampanya laban sa ismagling.

Kaya naman bumili uli ang BoC ng apat pang x-ray machines para magamit sa kampanya.

Hindi lang yan. Mapapabilis pa ang paglalabas ng mga kargamento sa pantalan.

Kaya kasing mag-scan ng 120 containers sa isang oras ang mga mobile container x-ray machines.

Ang mga bagong biling makina ay mapupunta sa MICP, Port of Cebu, Port of Subic at Port of Cagayan de Oro City.

Bago dumating ang apat na machines ay mayroon ng 124 x-ray machines na ginagamit ang BoC-XIP.

Ayon sa report, ang mga bagong machine “could produce clearer pictures of the items being scanned.”

Ang ibig sabihin nito, mas madali nang matutukoy ang mga puslit na produkto.

(Para sa inyong komento at suhestiyon. Tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE