‘Bangga-scam’

December 7, 2022 Allan L. Encarnacion 192 views

Allan EncarnacionKAHIT anong ingat mo, madadagit ka rin ng mga scammer.

Palagi nating naririnig ang mga kuwento ng iba’t ibang modus para pagkakitaan ang mga motorista. Ito iyong mga isitlo ng wala kang kaalam-alam ay bigla mo na lang mababangga ang isang tao dahil sa kanilang mga “abilidad.”

Nabiktima ako ng modus-bangga na karaniwan namang nangyayari kahit saan.

Nitong Martes ng hapon, tutugon tayo sa tawag ng kalikasan sa isang gasolinahan. Pagpasok natin sa isang gas station sa Mandaluyong area, ang una kong napansin ay ang white Porsche sports car na nasa kanan.

Kinakausap ng unipormadong gasoline boy ang driver ng sports car. Nasa kanan sila at sa bandang kaliwa ko naman ay ang gas pump. Kasya namang makadaan ang kotse ko patungo sa toilet pero siyempre dahan-dahan na ang takbo dahil nga baka masagi ang sports car.

Nalagpasan ko iyong gasoline boy na may kausap, ibig sabihin nakatalikod siya sa kotse ko na dumaan. Bigla ko na lang naramdaman na parang may nagulungan na kung ano man ang likuran ng aking gulong.

Nang tingnan ko sa likod, iyong gasoline boy, nasagasaan ko raw ang kanyang paa. Hindi naman ako masyadong naalarma kasi nga sobrang bagal ng takbo. Sabi ko, wait lang u, jingle lang me.

Habang nagbabawas ako, naririnig ko iyong kapwa gasoline boy na parang sumisigaw na pinaririnig sa akin kung ano nangyari at tinatanong ang nadagit ko kung masakit ba. May co-actor pa!

Paglabas ko, tinanong ko kung paano at saan ko siya nagulungan. Ipinakita niya ang kanyang harap ng paa na nagulungan ko raw. Nagtaka ako kasi bakit sa harap ko siya nagulungan gayong nakatalikod siyang nakikipag-usap sa driver ng sports car at nakalagpas na ako sa kanila. Kung magugulungan ko siya, dapat sa sakong or sa likod ng kanyang binti or sa puwet man lang.

Iyon daw gulong ko sa likod ang nakasagasa dahil paalis na siya sa kanyang kausap kaya sa mismong paa ko siya nadale. Doon ako nagka-idea na scam ito. At napansin ko sa kanyang suot na sapatos, iyong rubber shoes na parang compat shoes na matigas ang harapan.

HIndi ko na lang siya dinabate dahil unang-una, may importante akong lakad noong mga oras na iyon. Inabutan ko ng P1,000, sabi ko sige uminom ka na lang ng pain reliever sabay tapik sa kanyang likod.

Hanggang umalis ako, wala nang kibo iyong nagulungan. Parang walang nangyari, balik-trabaho ulit siya habang tinitingnan ko sa aking side mirror.

Maliit na bagay iyong P1,000 pero big deal sa ibang taong kailangan talaga ng pera. Pero hindi tama na ang kanilang ginawa sa mga tulad nating inosente sa kanilang mga modus.

May ugali ako sa mga gasolinahan, sa tuwing matatapos akong magpakarga, nagbibigay ako ng tip na P50 or minsan P100 sa nagserbisyo sa akin para kahit paano’y pangkain or pangkape ng service crew.

Alam naman natin na iyong iba sa kanila, lalo na sa mga probinsiya ay below minimum pa ang sahod. Kaya kung masagip mo lang ang kanilang pang-lunch, hindi na mababawasan ang kanilang income na maiuuwi para sa pamilya.

First time akong nagbigay ng P1,000 sa gasoline boy pero medyo masama ang loob ko kasi naisahan ako.

Ingat tayo palagi at maging matalas sa iba’t ibang paraan ng scam sa kalye.

allanpunglo@gmail.com