BoC November collection umabot na ng P790.301-M

December 7, 2022 Vic Reyes 88 views

Vic ReyesNANINIWALA si Finance Secretary Benjamin Diokno na ang revenue collection surplus ng Bureau of Customs (BOC) sa taong ito ay “may cover the shortfall of other national revenue generating agencies.”

Optimistiko rin si Secretary Diokno na maaabot ng gobyerno ang revenue goal nito dahil sa “substantial contribution” ng BoC na pinamumunuan ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Noong nakaraang Nobyembre 2022 ay umabot na ng P790.301 bilyon ang revenue collection ng ahensiya sa unang 11 months ng taon.

Ito ay lampas na ng P68.781 bilyon kumpara sa 2022 target collection nitong P721.7 bilyon.

Ayon sa initial report, ang koleksyon ng BoC noong buwan ng Nobyembre 2022 ay umabot ng tumataginting na P76.770 bilyon.

At kung makakakolekta ang mga taga-BoC ng dagdag na P76 bilyon ngayong buwan ng Disyembre ay aabot ng P867.071 bilyon ang total revenue collection ng ahensiya sa 2022.

Ito na ang pinakamalaking annual collection sa kasaysayan ng BOC na nasa ilalim ng Department of Finance.

Noong 2021 ay umabot lang ng P600 bilyon ang cash collection ng ahensiya.

Matatandaan na ang unang marching order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kay Commissioner Ruiz ay i-prioritize ang paglaban sa ismagling.

Ito ay para lumaki ang koleksyon nito at i-streamline ang customs processes.

Kaagad namang pinaigting ni Commissioner Ruiz ang kampanya laban sa ismagling, lalo na ang iligal na pagpasok sa bansa ng droga at produktong agrikultura.

At pinagtatakpan din ng mga taga-BoC ang “revenue leakages” na nagresulta sa mas malaking koleksyon ng ahensiya nitong mga nakaraang buwan.

Ngayon pa lang ay umaani na ng masigabong palakpakan si Commissioner Ruiz, ang dating “drug czar” sa Visayas ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Naging regional director ng PDEA sa Visayas noong si dating police Gen. Isidro Lapena pa ang director-general ng PDEA, ang law enforcement arm ng Dangerous Drus Board.

At nang naupong customs commissioner si Heneral Lapena, miyembro ng PMA Class 1973, ay dinala niya sa BoC Manila si Ruiz.

Ngayon, gumagawa ng kasaysayan si Ruiz sa larangan ng koleksiyon at anti smuggling campaign mg BoC.

***

Kamakailan ay nakasakote na naman ang Bureau of Customs (BoC) ng mga puslit na frozen foods na nagkakahalaga ng P63 milyon sa Manila International Container Port (MICP).

Nakalagay sa apat na containers vans, ang mga kontrabando ay galing ng Hong Kong at China.

Sinabi ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na natimbog ang mga kontrabando dahil sa isang impormasyon na tinanggap ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-MICP.

Ayon sa impormasyong tinanggap ng CIIS, ang mga container-dalawa ay galing ng HK at dalawa rin ang nanggaling ng China – ay naglalaman daw ng misdeclared goods.

Nang inspeksiyunin ay napatunayan ngang naglalaman ang mga ito ng frozen foods na hindi deklarado sa mga manifest.

“We are just complying with the directive of our President to continue our drive against smuggling of agricultural products,” ayon kay Commissioner Ruiz.

Sinabi pa ni Commissioner Ruiz na lalo pa nga nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ismagling alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Talagang kailangang protektahan ng gobyerno ang kapakanan ng mga nahihirapang magsasaka at mangingisda na sumadsad na ang kabuhayan dahil sa iligal na pagpasok sa bansa ng agri-fishery products.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi pa binibitiwan ni Pangulong Marcos ang pagka-hepe ng Department of Agriculture (DA)

Gusto niya munang ayusin ang napakaraming problema sa DA bago niya iwan ang puwesto.

***

Sa December 16 ay simula na ng tinatawag ng mga Katoliko na “Simbang Gabi.”

Ito ay siyam na araw na novena na matatapos ng December 24, ang eve ng Christmas Day.

Sana naman magpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng mga pulis sa paligid ng mga simbahan para pangalagaan ang kaligtasan ng mga dadalo sa “Simbang Gabi.”

Sa hirap ng buhay ngayon, baka may mga kababayan pa tayong makaisip na gumawa ng masama para lang magka-pera.

At sa mga magsisimba naman, siguraduhin niyong may maiiwan sa bahay para magbantay.

Alam niyo naman, abalang-abala ang mga miyembro ng “akyat-bahay” kapag panahon ng Kapaskuhan.

Naniniwala tayo na kayang bantayan ng mga opisyal at tauhan ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga simbahan at iba pang lugar na pinupuntahan ng ating mga kababayan tuwing Holiday Season.

Ang kailangan lang ay lagi tayong alerto para hindi makaporma ang mga nagbabalak ng masama.

Hindi ba, mga kababayan?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email/tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE