Labanan ang Makabagong Virus: Fake News, Disinformation at Misinformation

December 7, 2022 People's Tonight 437 views

RobinMalakas ang alingawngaw ng fake news hindi dahil sa ito ay bagong usapin. Bagkus, ang paglaganap ng fake news ay maituturing na kasing tanda na ng sangkatauhan.

May kani-kaniyang karanasan maging ang ating mga bayani sa pekeng balita, misinformation at disinformation. Nariyang naitala sa mga publikasyon ang muling pagkabuhay ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal matapos siyang ipapatay sa Bagumbayan; samantalang hindi rin nakaligtas si Andres Bonifacio na ipinamalitang magnanakaw ng pilak at ahente ng mga Kastila.

Sa madaling sabi, wala malamang sinoman sa atin ang nakaligtas sa paglaganap ng post-truth, fake news at disinformation.

Nang umigting ang internet, mas lalong napadali ang daloy ng komunikasyon – at ang pag-abuso nito. Dahil dito, kapansin-pansin din ang pagbabago sa pananaw-panlipunan ng marami. Ang mas nakalulungkot, kasabay ng mabilis na paglaganap ng fake news ay ang mabilis rin na pagtanggap nito bilang katotohanan sa tulong ng internet.

Bilang patotoo, ayon sa datos, itinuturing ng 85% o halos 9 sa 10 Pilipino ang fake news bilang problema ng bansa. Bago pa man ang pandemya, tinatayang $78 bilyon kada taon ang nawawala sa pandaigdigang ekonomiya dahil sa pagkalat ng fake news sa pinansyal, public health, pangangalakal at maging sa sektor ng politika.

Sa ating bansa pa lamang, malubha rin ang epekto ng fake news sa pamamahala ng gobyerno sa COVID-19 pandemic. Kaya naman ang Kongreso ay kumilos upang isama sa ilalim ng batas na Bayanihan to Heal as One Act ang probisyon na nagpaparusa sa pagkalat ng fake news.

Sa tuwina, kasama sa diskurso sa social media ang pagkilatis sa mga balita: mayroon bang katotohanan ang balitang ito?

Batid din natin ang aktibidad ng mga propesyunal na troll na responsable sa mabilisang paglaganap ng pwersa ng fake news sa social media, pahayagan at iba pang information and communications technology.

Ang inyong lingkod po ay nagsimula na sa pagdinig ng Resolusyon Bilang 191 na naglalayon po na mas suriin ang lumalalang isyu ng disinformation, misinformation o fake news.

Unang-una pong ating nais tugunan ay kung ano paano natin masasawata ang samu’t saring naratibong ikinakalat na sadyang binabaluktot ang katotohanan at ang mas masama, niyuyurakan ang ating kasaysayan.

Nagkaroon po ng produktibong diskusyon ang ating pagdinig kasama na ang iba’t ibang pananaw. Gayunman, iisa ang tunguhin ng lahat: hindi marapat na hayaang lumaganap ang fake news at dapat bigyang pananagutan ang mga platform providers at peddlers ng kasinungalingan.

Sa ilalim ng ating Komite sa Public Information at Mass Media, sisilipin natin ang mga pinaiiral na batas upang mapag-aralan ang posibleng remedya sa fake news. Kabilang na rito ang Cybercrime Prevention Act of 2012 at Article 154 ng ating Revised Penal Code on Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances.

Sa mga darating na pagpupulong, inaasahan po natin na makilala ang anyo at uri ng fake news sa pamamagitan ng dalawang aspeto: content at midyum. Ano ang nilalaman ng fake news, at papaano ito dumadaloy ng mabilis at paulit-ulit sa daluyan ng komunikasyon? Sino-sino ang dapat managot sa pagkalat nito? Papaano natin mabibigyang proteksyon ang ating mga kababayan laban sa mapaminsalang fake news?

Malinaw po na ang lahat ng pagmamalabis sa kalayaan, kabilang na ang kalayaan sa pamamahayag, ay may limitasyon at marapat na may karampatang pananagutan. Ika nga ng ating magiting na bayaning si Apolinario Mabini, “Liberty is freedom to do right and never wrong.”. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE