Gatchalian

Bagong water source hanapin natin–Sen. Win sa govt

April 6, 2024 PS Jun M. Sarmiento 63 views

HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang gobyerno na maghanap ng ibang mapagkukunan ng tubig para matugunan ang kakulangan ng suplay ng tubig dahil sa El Niño.

“Dahil sa mga inaasahang pandaigdigang kakulangan ng suplay sa hinaharap, kailangang bumuo ang gobyerno ng isang komprehensibong programa na tutugon sa kakulangang ito,” sabi ni Gatchalian.

Nauna nang inihain ng senador ang Senate Resolution No. 691 na humihimok sa gobyerno na maghanda para masugpo ang masamang epekto ng El Niño.

Iminungkahi rin ni Gatchalian ang pagkuha ng tubig sa Laguna de Bay para sa Metro Manila at mga karatig na lugar.

“Bukod sa Laguna de Bay, dapat pag-aralan ng gobyerno ang iba pang posibleng mapagkukunan ng tubig na tutugon sa potensyal na kakulangan ng tubig sa mga susunod na taon,” sabi ni Gatchalian.

Binanggit ng mambabatas ang kamakailang inilabas na UN World Water Development Report 2024 na nagsasaad na nakakadagdag sa instability ng bansa ang lumalaking kakulangan ng suplay ng tubig.

Isiniwalat ng ulat na humigit-kumulang 2.2 bilyong tao sa buong mundo ang walang access sa malinis na inuming tubig habang 3.5 bilyong tao ang walang access sa ligtas na pinamamahalaang sanitasyon noong 2022.

Sa kasalukuyan, nakakaranas ng kakulangan sa tubig ang Cebu City, Zamboanga City; at Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro.

Nauna nang inamin ni Pangulong Marcos na may krisis sa tubig ang bansa kaya ipinag-utos niya ang agarang pagkumpleto ng lahat ng mga proyekto sa tubig.

Ang isang halimbawa dito ang Davao City Bulk Water Supply Project, isa sa pinakamalaking pribadong bulk water supply facility sa bansa.