DA

SUPLAY NG ISDA SAPAT — DA

April 6, 2024 Chona Yu 92 views

TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng isda sa bansa sa mga susunod na buwan.

Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi nitong walang dapat na ipag-alala ang publiko.

Sinabi naman ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na may mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan para masiguro na hindi kakapusin ang suplay ng isda.

“Maganda ‘yung projection natin, dahil ngayong March hanggang June ito ay open fishing season. Tinaon talaga ni (DA) Secretary (Francisco) Tiu Laurel ‘yung paglabas noong Memorandum Order (MO) No. 14 dito sa open fishing season para hindi maapektuhan iyong supply noong local,” pahayag ni de Mesa.

“Iyong ipinagbawal sa MO 14 ‘yung round scad o galunggong, ‘yung bonito o tulingan at saka ‘yung mackerel o alumahan. Pero may exemption doon. Exempted ‘yung mackerel doon sa pagbabawal, basta ‘yung darating o ‘yung i-import nila ay papabase doon sa sales na naganap noong last year,” sabi ng opisyal.

Ayon kay de Mesa, may 10 porsyentong additional volume para masiguro ang supply flexibility.

“Siguro epekto na rin noong maganda iyong huli natin dahil ‘yung… mas importante kasi na nakakapahinga ‘yung dagat eh,” dagdag pa ni de Mesa, habang pinuri nito ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil sa mga polisiya nito na protektahan ang fish stocks.

“Kasi ‘yung isang isda nangingitlog iyan ng marami eh, kahit 10 to 15 percent lang o 1 to 5 percent lang ‘yung mabuhay doon sa mga itlog na iyon, malaking bagay kasi milyon ‘yung iniitlog nila eh, so malaking bagay iyon para maka-recover iyong ating fishery,” pahayag ni de Mesa.

Pangunahing pinagkukunan ng isda ng bansa ang karagatan ng Sulu, Celebes Sea at Visayan Sea.

AUTHOR PROFILE