Default Thumbnail

Bagong variant at face to face classes

October 20, 2022 Paul M. Gutierrez 523 views

PaulINIHAYAG ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na nakahanda na sa susunod na buwan ang mga paaralan para sa face-to-face classes tulad nang itinakda nito sa pagbubukas ng klase ngayong taon.

Matatandaan na binigyan ng DepED ang mga paaralan sa ilalim nito na maaari silang mag-blended learning o maaaring gamitin ang parehong face-to-face classes at distance learning gaya ng online classes. Pero kinakailangan na nilang magsagawa ng face to face classes sa susunod na buwan.

Samantala, pinayagan naman ng DepEd na magpatuloy sa kanilang distance learning ang mga nasa pribadong sektor para mamaksima ang nagawa nilang investment sa online classes at maiwasan ang pagkalugi ng mga ito.

Ayon kay VP/Sec. Duterte, nakaabang na lamang at handa na ang ibang mga paaralan at naghihintay na lamang na tuluyang ipatupad ang face-to-face classes.

Gayunpaman, pinapayagan din ng DepEd na manatili ang ibang mga paaralan depende sa kalagayan o yung mas mataas pa na risk sa COVID 19.

Lalo na ngayon na mayroong naitalang bagong variant ng COVID 19 na Omicron subvariant XBB at variant XBC na lubhang nakakahawa at ikinababahala ngayon ng Department of Health. Ito ng pinangangambahan na rin marahil ng maraming mga magulang para sa kanilang anak dahil mayorya sa mga ito ay wala pang bakuna.

Pero kahit na naririyan ang banta ng bagong variant ng COVID 19 may pangangailangan pa rin na talagang maibalik na ang mga mag-aaral sa mga paaralan dahil mahalaga ito para sa kanilang development gaya ng sinasabi ni VP/Sec. Duterte.

Mas marami kasi ang nawawala sa mga bata sa distance learning gaya ng online classes kumpara sa face-to-face classes kung saan mas natututukan sila ng kanilang mga guro at nagkakaroon sila ng interaksyon sa kapwa nila mag-aaral. Hindi ito nangyayari pagdating sa online classes.

Maaaring isang malaking konsiderasyon ang bagong variant na ito ng COVID para sa kaligtasan ng mga bata pero hindi dapat tayo matali lamang dito. Kung wala pa ang variant na ito kailangang ituloy ang face-to-face classes pa rin ng mga bata dahil ilang taon na silang wala sa eskwelahan. At isa pa, hindi na ganoon kalala ang sitwasyon.

May mga natutunan na tayo sa pagharap sa COVID na ito at nagagawa na natin ang mga bagay na kailangang gawin kahit na naririyan ang COVID. Para itigil natin ang mundo natin ulit para dito ay isang paurong na hakbang.

Dahil alam natin kapag nasara muli ang mga paaralan ay maaapketuhan ang ating ekonomiya lalo na yung mga negosyong may kinakalaman sa edukasyon. Alam natin kung paano nabubuhay ang mga negosyo at kabuhaya sa paligid ng mga paaralan kung bukas ang mga ito. Pati sektor ng transportasyon ay nakikinabang dito.

Isa pa, kung sakaling may pagtaas ng COVID cases sa isang lugar ay maaari naman silang bumalik sa distance learning. Hindi kailangang itigil ang buong sistema ng edukasyon at muling ilagay sa distance learning dahil lamang sa ilang lugar.

Kaya naman, hanggang wala pa tayo sa sitwasyong nakakaalarma, hayaan natin ang mga paaralan na muling buksan para sa mga mag-aaral at makatulong para sa kanilang pagkatuto.

Kailangan lamang paghandaan siyempre ng mga paaralan kung paano ligtas na makakabalik ang mga mag-aaral. Sundan ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face masks, pagsa-sanitize ng paaralan, pagdadala ng alkohol at iba pang makakatulong para maiwasan ang hawaan.

Dahil wala pa tayong kaalam-alam sa COVID noon, napilitan tayong isara ang mga paaralan. Pero sa ngayon na alam na natin kung paano natin mapapangalagaan ang ating mga sarili, at paano mabuhay kahit na nasa pandemya, hindi natin kailangang ulitin ang mga bagay na hindi dapat natin ginawa – iyon ay ang masyadong paghihigpit na hindi naman kinakailangan. Nagresulta ito nang pagsasara ng maraming mga negosyo at pagkawala ng maraming trabaho.

Ngayong may kaalaman na tayo sa COVID at mayroon na ring bakuna para sa mga mamamayan laban dito, may kakayanan na tayo para humarap at ipagpatuloy ang ating mga buhay kahit naririyan ang pandemya. Ganoon din ang mga paaralan, kailangan na nating buksan.

Hindi pwedeng habang may COVID ay natatakot na lang tayo lagi.

AUTHOR PROFILE