Default Thumbnail

Babae sinaksak ng mister sa harap ng mga anak

March 10, 2022 Melnie Ragasa-limena 630 views

Nasawi ang isang 26-anyos na babae makaraang saksakin sa harapan mismo ng kanyang mga anak ng kaniyang mister na nagtangka ring magpatiwakal sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Maribel Bayot Porras, 26, vendor at residente ng BFD Compound, Bgy. Central, Quezon City.

Sugatan naman ang mister ng biktima na si Kimby Logatoc Sosa, 34, matapos na pagsasaksakin din ang sarili.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-10:15 ng gabi, Marso 9, nang maganap ang krimen sa loob ng tahanan ng mag-asawa sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Lorenz Mappala ng CIDU, narinig umano ng mga kapitbahay ang matinding pag-aaway ng mag-asawa sa loob ng kanilang tahanan.

Dahil dito ay minabuti umanong awatin na ng mga kapitbahay ang mag-asawa pero nang kanilang silipin ay nakitang inaararo na ng saksak ng patalim ang ginang ng kaniyang mister sa harapan ng kanilang 2 anak na paslit na noon ay nag-iiyakan na rin.

Mabilis na inireport ng mga kapitbahay ang kanilang nasaksihan sa mga opisyal ng barangay at agad namang rumesponde ang mga tanod na sina Jofel Sombilon at Margie Salar.

Pero nang makita ng suspek ang mga tanod na aarestuhin siya ay pinagsaksaksak din niya ang kaniyang sarili.

Kapwa isinugod ang mag-asawa sa East Avenue Medical Center pero binawian ng buhay ang babae, habang isasailalim naman sa surgical operation ang mister nito.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring krimen habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.