Crime

BABAE KINATAY NG BF SA HARAP NG NANAY

August 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 179 views

PATAY ang isang babae matapos na tadtarin ng saksak ng kanyang live-in partner sa harap ng ina nitong Martes ng hapon sa Calamba City Laguna.

Ang biktimang hindi na umabot ng buhay sa JP Rizal Hospital ay nakilalang si Andrea Salve Escalante.

Pinaghahanap ng pulisya ang suspect.

Batay sa ulat ng PNP, ang insidente ay naganap sa tahanan ng biktima sa Barangay Saimsim.

Ayon sa nanay ng biktima, sabay na dumating ang magkasintahan sa kanilang bahay dakong 2:00 ng hapon at sa harap umano niya ay nagtatalo na ang mga ito.

Dahil ayaw makialam sa away, nagpasya ang ina ng biktima na umakyat sa taas ng bahay upang makapag-usap ng maayos ang dalawa.

Makalipas ang ilang minuto ay narinig ng ina ang anak na sumisigaw at humihingi ng tulong dahil papatayin na umano siya ng suspect.

Agad na bumaba ang nanay ng biktima at nakita niya na inuundayan umano ng sunod sunod na saksak ang kanyang anak.

Humingi ng tulong ang ginang sa mga kapitbahay at tanod sa lugar upang madala sa pagamutan ang anak subalit hindi na umabot ng buhay ang huli.

Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang insidente.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

With GIL AMAN