Martin2 KONSULTASYON SA MASINLOC – Si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. kasama si Iloilo 5th District Rep. Raul “Buboy” Tupaz, acting chairman ng Special committee on the West Philippine Sea (WPS), sa ginanap na konsultasyon ng House committee on national defense and security at Special committee on the WPS sa mga mangingisda at opisyal ng bayan ng Masinloc umaga ng Biyernes. Naroon din sina Governor Germogenes Ebdane Jr., Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun, Zambales 2nd District Rep. Doris Maniquiz, Camiguin Rep. Jurdin Jesus “JJ” Romualdo, Vice-chairman Zia Alonto Adiong, Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, iba pang miyembro ng Kamara at mga opsiyal ng Zambales. Kuha ni VER NOVENO

AYUDA SA FISHERS TINIYAK

May 24, 2024 People's Tonight 92 views

Ng mga lider ng Kamara

NANGAKO ang mga lider ng Kamara de Representantes na tutulungan ang libu-libong mangingisda sa Zambales na apektado ng ginagawang pambu-bully ng China sa Bajo de Masinloc at iba pang lugar sa West Philippine Sea (WPS).

Ginawa ng mga kongresista ang pahayag sa isinagawang pagdinig ng House committee on national defense and security at Special committee on the WPS na nagiimbestiga sa umano’y gentleman’s deal sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Chinese President Xi Jinping na naglilimita sa suplay na maaaring ipadala sa Ayungin Shoal.

Ang pagdinig na ginanap sa municipal hall ng Masinloc ay pinangunahan nina Iloilo Rep. Raul Tupas, vice chairperson ng House committee on national defense, at Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Binasa ni Gonzales ang mensahe ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga mangingisda na nahihirapang mangisda sa Bajo de Masinloc dahil sa ginagawang pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) at militia.

Sa pagdinig, inihayag ng mga mangingisda ang kanilang mga karanasan sa WPS gaya ng ginagawang paggamit ng water cannon sa kanila ng CCG sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, na kinubkob ng China noong 2012.

Hiniling ng mga mangingisda na bigyan sila ng kalayaan na makapangisda sa lugar lalo at mayroong banta ang CCG na aarestuhin ang mga dayuhan na iligal na papasok sa WPS simula Hunyo 15.

Nangako si Gonzales at kanyang mga kasama na kanilang ipaparating kay Speaker Romualdez at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanilang mga hinaing.

“Sa utos po ni Speaker, nandito po kami kahit kami ay nasa recess ngayon para pakinggan kayo. Huwag po kayong mag-alala, makakarating po kay Speaker ang mga hinaing at concern ninyo,” ani Gonzales.

Iminungkahi naman ni Zambales Rep. Jay Khonghun at iba pang mambabatas na iakma ang tulong na ibinibigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pangangailangan ng mga mangingisda.

Sinabi ni Khonghun na binibigyan ng BFAR ang mga mangingisda ng maliliit na fiberglass na bangka na para sa mga ilog pero mahihirapan sa dagat na may malalaking alon.

Ayon pa sa mambabatas, ang isang bayan sa kanyang distrito ay nakatanggap ng isang 20-foot na bangka mula sa BFAR.

Nang tanungin kung nabigyan din ang mga taga-Masinloc ng malaking bangka, negatibo ang tugon ng mga mangingisda.

“We will make sure in the next budget hearing that BFAR will extend the kind of assistance fisherfolk need. They have the funds for it,” sabi ni Khonghun.

Iminungkahi naman ni Rep. Dan Fernandez ng Laguna na gumawa ng programa na katulad ng modernization program ng mga public utility vehicles kung saan nagsasama-sama ang mga operator at drayber sa pagbuo ng kooperatiba.

“You have to consolidate and form cooperatives to obtain low-interest loans from Land Bank and even subsidies from the national government like jeepney drivers, so you can have modern fishing boats,” paliwanag nito.

Sinabi naman ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane na nagsimula na ang provincial government sa isang kaparehong programa.

“We are making available P5 million for every group of fishermen without interest, but they will have to repay it,” sabi ng gobernador.

Pero mayroon umanong 65 organisasyon para sa 4,500 miyembro. Tanging ang grupo umano sa bayan ng Sta. Cruz ang matagumpay na nakapag-organisa at nakatanggap ng tulong pinansyal.

Sinabi naman ni Ebdane na welcome kung bibigyan sila ng tulong ng national government.

Iminungkahi naman ni Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo na bigyan ng iba pang pagkakakitaan ang mga mangingisda upang hindi lamang ito ang kanilang makuhanan ng kita.

“You cannot depend on fishing alone, especially during the rainy season, when it is hard to go out to sea,” ani Romualdo.

Sinabi naman nina Representatives Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte at Johnny Ty Pimentel ng Surigao del Sur na nang dahil sa Duterte-Xi agreement ay lalong naging mas agresibo ang ginagawang pangha-harass ng China.

Nagpasalamat naman si Rep. Doris Maniquiz ng Zambales at Masinloc Mayor Arsenia Lim sa mga mambabatas sa pagsasagawa ng pagdinig sa probinsya at pakikinig sa hinaing ng kanilang mga nasasakupan.

AUTHOR PROFILE