Martin1 Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

SPEAKER ROMUALDEZ: BAJO DE MASINLOC ATIN!

May 24, 2024 People's Tonight 74 views
Martin2
KONSULTASYON SA MASINLOC – Si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. kasama si Iloilo 5th District Rep. Raul “Buboy” Tupaz, acting chairman ng Special committee on the West Philippine Sea (WPS), sa ginanap na konsultasyon ng House committee on national defense and security at Special committee on the WPS sa mga mangingisda at opisyal ng bayan ng Masinloc umaga ng Biyernes. Naroon din sina Governor Germogenes Ebdane Jr., Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun, Zambales 2nd District Rep. Doris Maniquiz, Camiguin Rep. Jurdin Jesus “JJ” Romualdo, Vice-chairman Zia Alonto Adiong, Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, iba pang miyembro ng Kamara at mga opsiyal ng Zambales.
Kuha ni VER NOVENO

Pangingisda ituloy

IGINIIT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang Bajo de Masinloc na kilala rin bilang Scarborough Shoal ay bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at dapat walang pumigil sa mga Pilipino na mangisda roon ng walang pangamba na maha-harass ng China.

Sa kanyang mensahe sa mga mangingisda at opisyal ng Zambales na binasa ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr., nanawagan si Speaker Romualdez ng pagkakaisa sa paglaban sa karapatan ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).

“Muli, hindi kayo nag-iisa sa pagharap sa mga banta ng China. Magkaisa tayo at patuloy nating ipaglaban ang ating karapatan na mangisda sa Bajo de Masinloc. Alam natin na ito ay bahagi ng ating teritoryo at pag-aari ng Pilipinas,” ani Speaker Romualdez.

Kinubkob ng mga Chinese ang Scarborough Shoal noong 2012 matapos ang standoff ng Chinese Coast Guard at Philippine Coast Guard (PCG).

Mula noon ay binu-bully na ng mga Chinese ang mga mangingisdang Pilipino na nangingisda sa lugar.

Binasa ang mensahe ni Speaker Romualdez sa isinagawang konsultasyon ng House committee on national defense and security at Special committee on the WPS sa mga mangingisda at opisyal ng bayan ng Masinloc.

Iniimbestigahan ng dalawang komite ang umano’y gentleman’s agreement sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa isyu ng WPS.

Iginiit ni Speaker Romualdez na hindi nag-iisa ang mga mangingisda sa kanilang laban sa Bajo de Masinloc.

“Hindi kayo nag-iisa sa laban na ito. Kasama natin ang iba’t ibang sektor ng lipunan, nariyan po ang inyong mga Congressman na sina Representative Jefferson Khonghun at Representative Doris Maniquiz. Bukas po ang kanilang tanggapan sa anumang agam-agam na nais ninyong idulog sa kanila,” sabi ng lider ng Kamara.

Sinabi ni Speaker Romualdez na patuloy din ang pagganap ng PCG sa mandato nito na protektahan ang mga mangingisda.

“Kaagapay n’yo rin po ang Philippine Coast Guard na kasama niyo sa karagatan at patuloy na magbabantay para inyong kapakanan,” wika pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Binanggit din ni Speaker Romualdez ang suporta ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas at ang suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isyu ng WPS.

“Maging ang mga kaalyado sa pandaigdigang komunidad ay nagbabantay at kasama natin sa labang ito. At higit sa lahat, ang ating mahal na Pangulong Ferdinand Bongbong R. Marcos Jr. ay nasa inyong likod at kailanman ay hinding-hindi kayo pababayaan,” saad ni Speaker Romualdez.

“Bilang mga mangingisda, kayo ang puso ng ating bayan. Sa gitna ng mga hamon, batid kong araw-araw kayong humaharap sa malaking alon upang itaguyod ang inyong mga pamilya,” sabi pa nito.

“Ngayon po’y nais kong bigyang-diin ang isang mahalagang isyu na patuloy ninyong hinaharap sa tuwing kayo’y pumapalaot sa Bajo de Masinloc. Ito ay ang banta ng China sa ating teritoryo at karapatan sa pangingisda,” dagdag niya.

Ang konsultasyon ay pinangunahan ni Iloilo Rep. Raul Tupas, defense committee chairman, at Gonzales para sa Special committee on the WPS.

Dumalo rin sa pagtitipon sina Representatives Dan Fernandez ng Laguna, Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, Jurdin Jesus Romualdo ng Camiguin, Jose Aquino ll ng Agusan del Norte, Adrian Jay Advincula ng Cavite, Jonathan Keith Flores ng Bukidnon, Johnny Ty Pimentel ng Surigao del Sur, Ramon Rodrigo Gutierrez ng 1-Rider Party-list, Ernesto Dionisio Jr. ng Manila, Doris Maniquiz ng Zambales, at Francisco Paolo Ortega ng La Union.

Bukod sa mga mangingisda, nagpahayag ng pagkabahala sa nangyayari sa Bajo de Masinloc sina Gov. Hermogenes Ebdane ng Zambales at Mayor Arsenia Lim ng Masinloc.

Dumalo rin ang mga opisyal ng PCG.

AUTHOR PROFILE