Default Thumbnail

Ayuda para sa OFW families

October 5, 2022 Erwin Tulfo 415 views

TulfoMATATANDAANG mas minabuti ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., (PBBM) na makapiling ang mga batang ulila sa isang bahay-ampunan para ipagdiwang ang kanyang kaarawan noong nakaraang buwan.

At kaming mga nakasama ni PBBM doon ay nasaksihan ang tunay na pagmamalasakit ng Pangulo sa mga kawawang mga bata na nasa White Cross Orphanage in San Juan City.

Kabilang sa mga kabataan doon ay mga anak ng tinaguriang mga “persons deprived of liberty (PDLs)” o mga preso.

Napag-alaman ni PBBM na ang mga anak ng mga preso sa iba’t-ibang national penitentiaries tulad ng New Bilibid Prisons at mga inmates sa city and provincial jails ay nakararanas ng sobrang kahirapan dahil hindi nakakayanan ng single mother na pakainin at pag-aralin pa ang kanilang mga supling.

Iyan ang isa sa mga dahilan kaya nagiging palaboy sa lansangan ang mga anak ng mga PDLs at ang mga batang yan ay namamalimos ng pagkain o nagkakalkal sa mga basurahan.

At sa kalsada, parkeng pampubliko, MRT/LRT stations na lamang sila natutulog at tinatawag silang “batang-hamog.”

Isipin na lamang ang paghihirap nila habang ang ama ay nakakulong at wala nang ina na kaya silang buhayin.

Nadiskubre rin ni PBBM na ganyan din ang nararanasan ng mga anak ng mga overseas Filipino workers na nakukulong sa ibayong dagat dahil sa kung anu-anong kaso.

Lalung nag-aalala ang Pangulo sa kapakanan ng mga babaeng OFW domestic helpers sa Middle East na kinakasuhan dahil sa pagtatanggol sa sarili laban sa panggagahasa o pang-aabuso ng kan ilang mga amo.

“Kawawa naman ang mga pamilya ng ating mga kababayan na nangibang bansa para makapag-hanapbuhay pero nasangkot sa kung anong kaso. Paano na ang kabuhayan at pag-aaral ng kanilang naiwang asawa at mga anak?” sabi ni PBBM sa amin noong Cabinet meeting.

Yan ang dahilan kaya inatasan ng Pangulo ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magkapit-bisig para alalayan ang mga naghihirap na kaanak ng mga OFWs na nakalaboso.

Sa budget na P15 billion sa ilalim ng proposed 2023 National Budget, ang baguhang Department of Migrant Workers (DMW) sa ilalim ng liderato ni Secretary Susan “Toots” Ople ay siyang magpo-protekta sa interes ng mga OFWs at magsusulong ng kapakanan ng mga OFW families sa bansa.

Noon 2019 ay naitala ang 2.2 million OFWs sa ibayong-dagat at ang karamihan dito ay naka-deploy sa Saudi Arabia at sa United Arab Emirates (UAE).

Wala pang updated post-pandemic figures for 2021 and 2022 ukol sa OFWs mula sa makupad na Philippines Statistics Authority (PSA).

Sa utos ni PBBM, ipatutupad ko bilang DSWD Secretary ang mabilisang proseso ng pagbibigay ng ayuda sa asawa at mga anak ng mga OFWs na nakakulong sa ibang bansa at isasali sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sabi ni PBBM, tututukan din ng DFA at DMW na magbibigay ng competent legal assistance sa depensa ng mga OFWs sa pagdinig ng kanilang mga kaso o sa pag-apila ng mga convicted na.

Lubos ang pag-aalala ni PBBM at gayudin ng First Lady Liza Araneta-Marcos sa kalagayan ng mga mahihirap na kabataan na siyang hahalili sa ating henerasyon.

Hangarin ng First Couple ang magandang kinabukasan ng kabataan sa pamamagitan ng tamang pag-aaruga at pagbibigay ng oportunidad na makapag-aral at maging dalubhasa sa iba’t-ibang larangan.

AUTHOR PROFILE