Default Thumbnail

Away pamilya nauwi sa patayan, suspek sa pamamaril tukoy na

December 4, 2021 Francis Naguit 240 views

ITINURO ng isang testigo ang gunman at ang utak sa krimen kung saan ang isang 38-anyos na ginang ay pinatay ng gunman at ikinasugat ng kanyang live-in partner na barangay kagawad habang kapwa naglalakad sa Hermosa St., Tondo, Manila nitong nakaraang Lunes ng gabi.

Isang alyas ‘Mico’ na testigo sa krimen ang nagnguso sa gunman at sa utak ng pagpatay sa biktimang si Abigail Ampil y Febres ng 2833 Benita St., Tondo, habang ligtas naman sa pamamaril ang kinakasamang si Frankie Seña y Perez, 38 anyos.

Ayon sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, kilala na umano ang gunman at ang mastermind sa pagpatay sa ginang na umano’y isang kamag-anak ni Kagawad Seña.

Ang mastermind naman ay mismong kaanak ni Seña, na asawa din ng isang barangay kagawad.

Bagama’t hindi muna binanggit ang pangalan ng gunman at ang utak, tinungo ng mga awtoridad ang bahay ng mag-asawa pero hindi na sila matagpuan.

Gayunman, kahit hindi pa sila nahuhuli ay sinampahan na sila ng kasong murder sa Manila Prosecutor’s Office.

Matatandaan, bandang 5:40 ng hapon nitong nakaraang Lunes nang patraydor na binaril sa bandang bahagi ng ulo si Ampil at tamaan naman sa balikat si Seña sa kahabaan ng Hermosa St. sa harap ng Sunog Apog Pumping Station sakop ng Brgy.183 sa Tondo. Ang nagsosolong gunman ay sakay ng motorsiklo.

Mabilis namang naisugod ang dalawa sa Chinese General Hospital, subalit idineklarang dead on arrival ang ginang, habang ligtas na ang live-in partner nito matapos malunasan ang tinamo nitong sugat.

Itinuro ng testigo na kilala nito ang bumaril sa ginang nang ireview ang kuha sa CCTV sa lugar.

Sa imbestigasyon, malaki ang galit ng mastermind sa ginang na ang dahilan ay tutol umano ito na magsama si Seña at si Ampil.

Minsan na rin umanong inireklamo at umano’y nakulong ang ginang dahil sa malaking pagkakautang nito sa utak ng krimen.

Gayunman, naniniwala ang pulisya na lutas na ang kaso. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE