Default Thumbnail

Ang matandang Tahitian at si Lapu-Lapu

October 29, 2022 Magi Gunigundo 295 views

Magi GunigundoBUKOD sa pagiging patnugot ng “Encyclopedia”(1765),sinulat ni Denis Diderot ( 1713-1784) ang “Dagdag sa paglalakbay ni Bougainville,” isang kathang-isip na salaysay ng paglalakbay sa Tahiti ni Louis Antoine de Bouganville, kapwa niya Pranses. Sinalin ko sa Filipino ang bersyon sa English mula sa Understanding Western Society, Vol I, ni Mckay, Hill, Buckler,etc., ©2012.

Kinamumuhian ni Diderot ang kolonyal na pananakop ng kapwa puting Europeo na matindi ang “libido dominandi.” Ginamit niya ang boses ng isang matandang Tahitian, sa pagpuri sa matalino at disenteng kaugalian at kultura ng Tahitians. Itinanghal sa salaysay ang ideyalisasyon ng pagkapantay-pantay ng lahat ng tao kahit magkaiba ng kulay ng balat, kultura, lingwahe at pananampalataya. Bago dumating si Bougainville, malaya ang Tahiti sa mga bisyo ng sibilisadong lipunan. Malamang, ang pananaw ng matandang Tahitian ay siya rin pananaw ni Lapu-Lapu pagkatapos makita ang nakakatindig balahibo na maluhong pagtanggap ng mga Pilipino kay Magellan at mga kasama nitong mananakop noon 1521.Mas mabuti pa marahil ang kinahantungan ng Pilipino kung tinularan ng ating mga ninuno ang mga Hapon na sinarado ang pintuan sa mga Europeo. Eto na ang salaysay:

“Siya ay ama ng maraming pamilya. Sa oras ng pagdating ng mga Europeo, ibinaon niya sa kanila ang isang tingin na puno ng pangungutya, bagaman hindi ito nagpahayag ng gulat, nerbiyos at takot. Lumapit sila sa kanya; tinalikuran niya sila at pumasok sa kanyang kubo. Ang kanyang mga iniisip ay nahayag lamang sa pamamagitan ng kanyang katahimikan na kinukubli ang daing niya sa pagkawala ng masasayang araw ng kanyang mga kababayan, na ngayon ay naglaho na magpakailanman. Sa sandali ng pag-alis ni Bougainville, nang ang lahat ng mga kababayan ay tumakbong nagkukumpulan papunta sa dalampasigan, hinihila ang kanyang damit at niyakap ang kanyang mga kasama at umiiyak, ang matanda ay humakbang pasulong at taimtim na nagsalita:”

“Umiyak, kahabag-habag na mga Tahitian, umiyak–sa pagdating, kaysa sa pag-alis, ng mga masasama at mapagbalatkayong tao! Darating ang araw na makikilala mo kung ano sila. Balang araw ay babalik sila, dala sa isang kamay ang piraso ng kahoy na nakikita mong nakabitin sa sinturon ng isang ito at sa isa naman ang piraso ng bakal na nakasabit sa gilid ng kanyang mga kasama. Gagapusin kayo nila ng mga tanikala, lalaslasin ang inyong mga lalamunan at aalipinin kayo ng kanilang mga kahangalan at bisyo… Ikaw ay magiging tiwali, kasing-sama, at kaawa-awa gaya nila.”

“Pagkatapos ay lumingon kay Bougainville: at ikaw, pinuno ng mga tulisang sumusunod sa iyo, kunin mo ang iyong sasakyang-dagat nang mabilis mula sa aming dalampasigan. Kami ay inosente at masaya, at maaari mo lamang sirain ang aming kaligayahan. Sinusunod namin ang dalisay na natural sa tao, at sinubukan mong burahin ang marka nito sa aming mga puso.”

“Hindi ka alipin; ikaw ay magdurusa ng kamatayan sa halip na maging alipin, ngunit nais mong gawin kaming alipin! Naniniwala ka ba, kung gayon, na ang Tahitian ay hindi marunong mamatay sa pagtatanggol sa kanyang kalayaan? Ang Tahitian na ito, na gusto mong ituring bilang isang ari-arian (chattel), bilang isang piping hayop-ang Tahitian na ito ay iyong kapatid. Pareho tayong mga anak ng kalikasan- ano ang karapatan ninyo sa akin na wala ako sa inyo?”

“Ikaw ay dumating; inatake ka ba namin? Ninakawan ka ba namin ? Hinuli ka ba namin at inilantad ka sa mga palaso ng aming mga kaaway? Pinilit ba namin kayong magtrabaho sa bukid kasama ng aming mga hayop ? Iginagalang namin ang aming sariling imahe sa inyo. Lisanin mo kami sa aming sariling mga kaugalian, na mas matalino at mas disente kaysa sa inyo. Wala kaming hangad na ipagpalit ang tinatawag mong kamangmangan para sa iyong walang kwentang kaalaman. Taglay na namin ang lahat ng mabuti o kailangan para sa aming buhay. Karapat-dapat ba kami sa iyong pangungutya dahil hindi namin nagawang lumikha ng mga kalabisan para sa aming sarili? Kapag kami ay nagugutom, kami ay may makakain; kapag kami ay nilalamig, kami ay may damit na mabibihis. Ikaw ay nasa aming mga kubo— ano ang kulang doon, sa iyong palagay? Malugod mong tinatanggap ang iyong sarili na magsikap nang husto hangga’t gusto mo sa paghahangad ng tinatawag mong kaginhawaan ng buhay, ngunit hayaan ang mga matinong tao na huminto kapag nakita nilang wala silang mapapala kundi mga haka-hakang benepisyo lamang. Sa iyong hikayat na magtrabaho pa upang lampasan ang hangganan ng mahigpit na pangangailangan, kailan kami matatapos sa aming paggawa? Kailan kami magkakaroon ng oras para sa aming kasiyahan?

Binawasan namin ang aming pang-araw-araw at taunang mga trabaho sa pinakamababang posibleng panahon, dahil sa amin ay tila walang mas kanais-nais kaysa sa paglilibang. Humayo kayo at magpakatatag sa inyong sariling bansa; doon ay maaari ninyong pahirapan ang inyong mga sarili hangga’t gusto ninyo; ngunit hayaan mo kami sa kapayapaan, at huwag punuin ang aming mga ulo ng pagnanasa sa inyong mga huwad na pangangailangan .”

AUTHOR PROFILE