Default Thumbnail

Ang bagong hari ng kalsada

January 13, 2023 Magi Gunigundo 591 views

Magi GunigundoDATI rati ang mga tsuper ng PUJ ang hari ng kalsada sapagkat kahit saan ay nagbababa at nagsasakay sila ng mga pasahero. Ngayon, pinalitan na sila ng mga nagmomotorsiklo- ang bagong hari ng kalsada.

Doble ingat ang mga drayber ng mga sasakyan na apat o higit pa ang gulong dahil sa mga kaskasero at reckless na mga motorcycle riders na kaliwa’t kanan kung mag-overtake kahit naka signal light ka na pakaliwa o pakanan ang iyong minamaneho. Ang mga rider ay hindi nagmemenor, pa ekis ekis sa kalsada, busina ng busina habang nag-overtake sa kanan ng ibang sasakyan at ‘di man lang sumesenyas kung kakaliwa o kakanan.

Ang mga bagong hari ng kalsada lang ang may karapatan na magmadali at di mabalam ang biyahe sa trapik. Sila lang ang puwedeng mag- zigzag sa kalsada ng hindi man lamang sumesenyas kung liliko o hihinto. Pangkaraniwan na ang magasgas ang side mirror ng mga sasakyan. At kung mapitik ang motorsiklo at mabuwal ang rider, kukuyugin pa ng mga ibang riders ang pobreng driver ng sasakyan.

Batay sa report ng motorcycles.com, umabot sa 2.25 million ang naibentang bagong motorsiklo nitong 2022. Batay sa mga datos ng LTO, mahigit 5 milyon motorsiklo( two wheeler at tricycle ) ang
nakarehistro noon 2016. Hindi nakapagtataka ang paglaki ng numerong ito. Una, murang makakuha ng motorsiklo dahil may mga installment plans ang mga dealer : P3k lang, puede ka nang mag may-ari ng motorsiklo. Basta hulugan mo buwan buwan, mapapasaiyo ng lubos ang motor. Pangalawa, mabilis ang biyahe ng motorsiklo kesa sa four wheelers. Basta kayang sumingit sa pagitan ng dalawang sasakyan, lulusot ang motorsiklo. Pangatlo, mura ang gastos ng bumabiyahe dahil tipid sa gasolina. Ang isang litro ng gasolina ay kayang makarating ng mas malayo kesa sa konsumo ng 4 wheeler.

Pang apat, hindi na kailangan magtiyaga sa pila sa jeep, Carousel at MRT kung mayroon naman motorsiklong masasakyan.

Kailangan kumilos ang LTO para mabago ang mindset ng mga riders. Dapat safety first ang mindset nila at magkaroon ng konsiderasyon sa iba pang mga gumagamit ng kalsada dahil hindi lang sila ang mga anak ng Diyos.

Iba ang driving skills na kailangan ng rider ng two wheels( motorsiklo) at ng sasakyan na may four wheels. Mas doble alisto ang rider sapagkat kapag nalingat siya semplang ang aabutin niya at maaari siyang masugatan o mamatay. Maliban pa sa mga safety helmet , shoulder, elbow at knee pads na dapat ay suot palagi, kailangan matingkad ang kulay ng suot , nakagwantes, naka boots o sapatos. Higit sa lahat , hindi dapat nakainom ng alak o bumatak ng droga ang rider ng motorsiklo. Dahil dito, magkaiba ang proseso ng pagkuha ng lisensya ng nagmomotor sa nagmamaneho ng sasakyan na may apat na gulong sa Amerika.

Sa Pilipinas, walang ganyang pag uuri at ito marahil ang ugat ng reckless driving ng riders ng motorsiklo. Tandaan maigi, kung ayaw mag pasaway ng rider, siguraduhin niya na sa langit ang punta niya kung maaksidente sapagkat 28 beses ang tiyansa niyang sumeplang kesa sa taong nakasakay sa sasakyan apat ang gulong.

Ayon sa Metro Manila Road Accident Recording and Analysis System (MMARAS) ng MMDA, umabot sa 22,924 na aksidente ang kinasangkutan ng mga motorsiklo para sa taon 2021 na mas mataas ng 1,560 kumpara sa 2020 na kasagsagan ng COVID at mga lockdown.

Lumalabas din na 10,550 sa mga aksidente ay nagbunga ng pinsala sa gamit, 12,110 insidente ang nagbunga ng pinsala sa katawan na hindi nakamamatay at 264 insidente ang nagbunga ng pagkasawi ng rider/ pasahero ng motorsiklo. Isa lang ang mensahe nito, delikado mag motor kaya dapat mag-ingat sa pag-momotor alang- alang sa kapakanan ng mauulilang pamilya ng mga bagong hari ng kalsada.

AUTHOR PROFILE