Default Thumbnail

Ama kinatay 3-anyos na anak; sarili tsinugi

March 13, 2024 Zaida I. Delos Reyes 105 views

NAGPATIWAKAL ang isang ama ng tahanan matapos niyang mapatay sa saksak ang 3-anyos na anak na babae nitong Lunes sa Inopacan, Leyte.

Ayon kay Inopacan Police chief, Police Major Ian Po, bago naganap ang krimen ay nauna munang binugbog ng suspek ang kanyang 15-anyos na stepson sa hindi pa malamang dahilan nitong Lunes ng umaga.

Napag-alaman na lugmok sa problema ang suspek dahil nito lamang nakaraang linggo ay dumating ang kanyang live-in partner mula sa Maynila at nakikipaghiwalay na sa kanya.

Nitong Lunes, nakatakda sanang magharap sa barangay ang magkarelasyon subalit bago pa man mangyari ito ay naglasing ang suspek nitong Linggo ng gabi.

Kinabukasan, binugbog nito ang kanyang stepson at pagsapit ng tanghali ay pinagsasaksak ang natutulog na anak na babae sa leeg gamit ang patalim na kung tawagin ay “tuksi.”

Nang matiyak na patay na ang anak ay sinaksak din ng suspek ang sarili na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ang bangkay ng mag-ama ay natagpuan ng kanilang kapitbahay na maghahatid sana ng isda sa suspek.

Isinugod pa ang mag-ama sa Immaculate Conception Hospital sa Baybay City, Leyte, subalit hindi na umabot ng buhay ang mga ito. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.