Default Thumbnail

‘Akyat-bahay’ tumangay ng higit P2M salapi, timbog

May 3, 2023 Jonjon Reyes 301 views

NAARESTO ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Meisic Police Station (PS) 11 ang isang lalaki makaraang makakulimbat ng mahigit P2 milyong cash sa isang tindahan sa Sto. Cristo Street, Binondo, Maynila, nitong Lunes ng madaling araw, Mayo 1.

Sa pamamagitan ng kuha ng CCTV, ang naarestong suspek, 27, na kinilala sa alyas “Bisaya” ay namataan na nakasuot ng itim na sando, kupas na jogging pants, payat, at kayunmanggi ang kulay ng balat.

Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Lt. Col. Rex Layug, commander ng MPD Meisic PS-11, bandang 1:45 ng madaling araw, nang pasukin ng suspek ang tindahan ng isang 55-anyos na negosyanteng ginang sa naturang lugar.

Maliban sa kuha ng CCTV, isang babaeng testigo, isang kahera, ang nagbigay ng salaysay sa pulisya.

Tumataginting na aabot sa P2,373,270,00 ang nakulimbat ng suspek.

Nabatid sa imbestigasyon, napag-alaman na nawawala ang pera ng buksan ng nasabing testigo ang tindahan, at dito na nadiskubre na ninakaw ng suspek ang pera.

Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan sa nasabing himpilan ng pulisya ang mga biktima at saka ni-review ang kuha ng CCTV sa loob at labas ng tindahan.

Agad naman naaresto ng mga operatiba ang suspek at patuloy pang iniimbestigahan kung may naganap na “inside job” sa insidente.

 

AUTHOR PROFILE