Laurence Source: Laurence R Bueno Vlogs FB

Anak ng mayor sumalpok big bike sa SUV, patay

May 22, 2024 Zaida I. Delos Reyes 99 views

PATAY ang anak ni Santa, Ilocos Sur Mayor Jesus Bueno Jr. matapos bumangga ang sinasakyang big bike sa nitong Sabado sa national highway ng naturang bayan.

Nakilala ang biktima na si Jerome Jesus Bueno IV, kapitan ng Barangay Rizal.

Sinabi ni Santa Police Station Chief Police Captain Mark Bryan Corpuz na lulan ang biktima ng kanyang big bike nang bigla itong sumalpok sa kasalubong na sasakyan .

Sa lakas ng pagkakabangga ay nalamog ang katawan ng biktima na siyang naging sanhi ng pagkamatay nito.

“Hindi napansin ng biktima ‘yung kasalubong niya na sasakyan, SUV at nagkaroon ng head-on collision. ‘Yung katawan niya medyo nalamog kaya ‘yun siguro ang reason kung bakit siya namatay,” pahayag ni Corpuz.

Labis naman ang dalamhati ni Mayor Jesus Bueno Jr. sa pagkamatay ng anak, ngunit nagpahayag ito na hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya laban sa SUV driver.

“Bilang ama masakit ‘yung kalooban ko. Siya ang youngest, eh future public servant too sana. Nagpapasalamat po sa lahat nang nakikiramay sa amin,” pahayag ng alkalde.