Topacio

Abogado nalungkot, Pharmally execs nakakulong pa rin ng walang kaso

April 23, 2022 People's Tonight 117 views

HINDI na naitago ni Atty Ferdinand Topacio ang pagkadismaya nito sa Senado at Court of Appeals(CA) na hindi pumayag hanggang ngayon na makalaya ang dalawang Pharmally Executives na anim na buwan nang nakakulong sa Pasay City Jail na walang kinahaharap na kasong kriminal.

Sa isang mahabang tweet, sinabi ni Topacio na dapat makalaya na sina Pharmally Director Linconn Ong at Pharmally Secretary Mohit Dargani na maharap sa contempt at naipakulong noong nakaraang taon sa isang Senate investigation.

“In the heat of the campaign, we seemed to have forgotten that my client, Mohit Dargani, has been languishing in jail with no charges, much less a crime committed,”nakasaad sa tweet ni Topacio.

Sina Senate President Tito Sotto at Sen. Panfilo Lacson ay una nang nagsabing pabor silang palayain na ang dalawa dahil nakarecess na ang Senado at tapos na ang kanilang imbestigasyon sa Pharmally mess subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagpapalabas ng clearance para sa kanilang paglaya si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen.Dick Gordon na syang may hurisdiksyon sa isyu.

Ayon kay Topacio nagpasaklolo sila sa CA at naghain ng habeas corpus petition dahil sa illegal detention na hanggang sa ngayon ay wala pa ring desisyon.

Dahil dito, naghain si Topacio ng kasong administratibo at motion to inhibit laban kay CA 5th Division Associate Justice Apolinario Bruselas.

Sa kasalukuyan ay nag-inhibit na si Bruselas sa habeas corpus case at nai-raffle sa CA 4th Division sa sala nina Associate Justices Ramon Bato Jr, Rafael Antonio Santos at Lorenza Bordios.

Sinabi ni Topacio na umaasa silang maaksyunan na ang petisyon dahil hindi lamang ang kalagayan ng kanyang kliyente ang nakasalalay dito kundi maging ng pamilya.

AUTHOR PROFILE