Dra. Minguita Padilla nagkuwento sa pinagdaraanan ng mga ‘di sikat na kandidato

April 24, 2022 People's Tonight 112 views

HINDI madali ang laban ngayong eleksyon, lalo para sa mga unang beses na sasabak sa pulitika na hindi ganoon kasikat ang pangalan, kahit pa kuwalipikado sila at may kakayahan na maupo bilang halal na opisyal sa gobyerno.

Inamin ito ni public health advocate Dra. Minguita Padilla, kasabay ng paglalahad niya ng kanyang pinagdaraanan tungo sa layunin niyang magkaroon ng kinatawan ang sektor ng kalusugan sa Senado para sa ika-19 na Kongreso.

Ayon sa batikang ophthalmologist at founder ng Eye Bank Foundation of the Philippines, mahirap ang nararanasan niya sa kanyang pagtakbo bilang senador dahil kakaunti lamang ang nakakakilala sa kanya at maging ng mga naging ambag niya sa larangan ng medisina sa bansa.

Sa kabila nito, sinabi ni Dra. Padilla na naniniwala siyang kaya niyang manalo ngayong eleksyon. Inilahad niya ito sa panayam sa kanya kamakailan ng talk show host na si Boy Abunda na kinumusta ang mga naging karanasan niya ngayong panahon ng kampanya.

“They’re slim but not impossible. Let’s put it this way. Because my trajectorynaman is going up. It’s not a plateau,” diretsong tugon ni Dra. Padilla sa tanong hinggil sa kanyang tyansa na makapasok sa Top 12 at maungusan ang iba pang nasa listahan ng 64 na mga kandidato sa pagkasenador.

“I believe based on my social media and based on the reaction (that I get from people) on the ground, I think it (my ranking) is higher than what the surveys are saying. So, I have a chance but it’s difficult, mahirap talaga,” dagdag niya.

Kabilang si Dra. Padilla sa senatorial slate nina presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at vice presidentiable Vicente ‘Tito’ Sotto III. Isinusulong niya ang kanyang mga adbokasiya para sa maayos na serbisyong pangkalusugan at pagsugpo sa katiwalian.

Dagdag pa ng medical professional, mahirap man ay itinuturing niyang makabuluhan ang karanasan niyang ito. Aniya, kung minsan ay nararamdaman niya na para siyang ‘langaw sa dingding’ dahil walang nakakikilala sa kanya noong umpisa ng kampanya.

“Because you go around and kasama mo mga sikat, ‘di ba, nakikipag-kamay, nakiki-picture. Ako nandoon lang ako sa kanto, walang pumapansin sa akin. Tapos ‘yung mga tarpaulins ko noon walang gustong kumuha… It was hard, very humbling,” kuwento ni Dra. Padilla kay Abunda.

Pero kalaunan ay unti-unti na rin umano siyang nakikilala ng ibang mga Pilipino hindi lang ng mga tagasuporta niya, dahil sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga netizen sa social media, mahusay na performance sa mga senatorial debate, at paglabas niya sa media.

“Ngayon, nauubusan na ako ng tarp. At least meron nang nagpapa-picture,may nakakakilala na sa akin, but it was really difficult. The climb was really difficult. It’s not easy and I still have to get there. Pero, at least little by little, tiyaga, and exposure from the media,” aniya.

Kahit itinuturing siyang baguhan sa pulitika, nagmula si Dra. Padilla sa pamilya na mayroon nang mahabang tradisyon sa serbisyo publiko. Parehong naging Supreme Court justice ang kanyang ama at lolo, at maging ang ilan sa mga kapatid ng huli ay nagsilbi rin bilang mga senador at kongresista.

“I have so many heroes in the family. And from a very young age, talagang pinukpok sa aming utak ng aking ama talaga to whom much is given, much is expected… That’s how we grew up. Maraming binigay sa’yo ang Diyos, marami ka ring dapat ibalik sa tao,” lahad ni Dra. Padilla.

Matapos ang 34-taon niyang serbisyo sa industriya ng medisina, nagdesisyon si Dra. Padilla na tumakbo bilang senador dahil sa kanyang mga naging karanasan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Naniniwala siya na makakatulong sa maraming Pilipino kung mayroong tunay na doktor sa Senado upang makatulong sa gobyerno sa paglikha ng mas maayos na mga polisiya para sa mga posible pang susunod na pandemya.

Isa sa mga pangunahin niyang isinusulong ay ang pagreporma sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mahalagang bahagi sa pagpapatupad ng mga probisyon na nakasaad sa ilalim ng Universal Healthcare Law.

AUTHOR PROFILE