Default Thumbnail

Makonsensiya naman ang PPA management!

March 3, 2022 Marlon Purification 453 views

Marlon PurificationILANG araw ko nang sinusubabayan ang pagtaas ng taripa sa iba’t ibang pantalan na sakop at pamamahala ng Philippine Ports Authority (PPA).

Kasabay nito, masinsinan din nating tinutugaygayan ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis kahit noong hindi pa sinasalakay ng Russia ang Ukraine.

Kung tama ang ating pagtaya, siyam na ulit nang nagkaroon ng oil price increase.

Lalong madaragdagan ito dahil sa Russia-Ukraine war.

Sa panawagan ng nangungunang presidential candidate na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sinabi nitong dapat gumawa na nang tamang hakbang ang pamahalaang Duterte upang maagapan ang posible pang pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa maaaring ilikha ng naturang giyera.

Mag-imbak na aniya ang mga oil companies ng krudo at gasoline habang hindi pa umaabot sa $103.9 per barrel ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Dapat ay i-waive na rin ang mga taxes sa oil importation bilang bahagi ng subsidy.

Para kay Senate President Tito Sotto, hindi lang basta amyenda ang dapat gawin sa Oil Deregulation Law kundi ay i-repeal ito!

Nakahanda rin daw ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso na magpatawag ng Special Session kung hihilingin ito ng Pangulong Duterte.

Dahil dito, gusto kong tumbukin ang isyung bumabalot ngayon sa PPA.

Sa kabila kasi ng pandemya at sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis ay sumabay pa ang PPA para itaas ang taripa ng mga pumapasok na kargamento sa lahat ng port entry sa bansa.

Mismong ang National Economic Development Authority ang humiling kamakailan na suspindihin ang pagtaas ng taripa ng arrastre sa pantalan ng Tacloban, Ormoc at iba pang lugar sa Eastern Visayas.

Kahit ang Philippine Chamber of Commerce Inc. (PCCI) sa Tacloban ay nagsabing ang bagong pagtaas ng taripa ay magreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga kalakal tulad ng bigas, semento, asukal, harina, feeds at fertilizers.

Umabot ng 50% ang itinaas na taripa sa bigas, 572% sa semento, asukal, harina, feeds at fertilizers.

Hindi ko malaman kung bakit matigas ang pahayag ni PPA General Manager Jay Santiago na walang epekto ito sa mga presyo ng bilihin.

Nakalimutan yata ni Boss Jay na kahit ang katiting na kotong sa kalsada ay inaangal ng ilang mangangalakal kaya ipinapasa nila ito sa presyo ng mga bilihin.

Gayundin, ang kahit gasentimong halaga na pagtaas ng presyo ng langis ay may epekto sa ating mga pangunahing bilihin. Tapos itong mahigit sa 575% percent na increase sa taripa ng semento, asukal, harina, feeds at fertilizers ay wala raw epekto sa end users?

Kailangan pa bang i-memorize yan? Saan ba galing ang karamihan sa kinakain natin ngayon? Hindi ba sa asukal at harina? Ang feeds para sa mga livestock tulad ng manok, baboy at isda? Pati ang fertilizer para pataba sa mga gulay at pananim?

Eh ang bigas na araw-araw din nating kinakain tulad ng tinapay, manok, baboy, isda at asukal para sa kape, gatas o ultimo softdrinks at ice tea.

Kaunting konsensiya naman sana PPA.

Dahil kapag hindi n’yo pinakinggan ang panawagan ng NEDA at PCCI, sigurado akong bubukol ito sa mga namamahala ng PPA.

Kung may natitira pang pagmamahal sa bayan ang mga namamahala sa PPA sana ay magising sila na hindi napapanahon ang pagtaas pa ng taripa, lalo’t bukod sa pandemya ay hindi mapigilan ang pagsirit ng presyo ng langis na problema sa pandaigdigang merkado!

Kailangan yata kina Atty. Jay ay gumamit ng sabon na ‘Safeguard,’ baka sakaling usigin sila ng kanilang konsensiya — kung mayroon man?!