Default Thumbnail

Binatilyo inagawan ng bike, hinataw, putok ang ulo!

September 11, 2021 Edd Reyes 375 views

BUMULWAK ang dugo sa ulo ng 17-anyos na binatilyo nang hatawin ng isa sa apat na lalaking puwersahang tumangay sa sinasakyan niyang bisikleta Sabado ng madaling araw sa Malabon City.

Sakay ng kanyang bisikleta ang biktimang si Johny Boby Trinidad, residente ng Magsaysay St. Brgy. San Agustin, ka-angkas ang kaibigang si Kurt Axi Mabini, nang harangin ng apat na lalaki dakong 1 a.m. sa P. Borromeo St., Brgy. Longos.

Sa pahayag ni Mabini kay P/Lt. Col. Rhoderick Juan, deputy chief of police ng Malabon City, nagsalita pa umano ang isa sa suspek na matigas ang ulo ng biktima bago hinataw ng bote sa ulo na ikinalugmok ng binatilyo.

Tumakas ang mga suspek tangay ang bisikletang yari sa bansang Japan na pag-aari ng biktima, habang tinulungan naman ni Mabini ang kaibigan na maisugod sa pagamutan.

Nagkataong dumadaan sa lugar sakay ng mobile patrol ng pulisya sina P/SSgt. Diego Ngippol at P/SSgt Mardelio Osting, may hawak ng kaso, kasama ang mga tauhan ng Follow-Up Unit, kaya’t kaagad nilang tinulungang maisugod sa Ospital ng Malabon si Trinidad subalit inabisuhan silang ilipat ang binatilyo sa Tondo Medical Center upang masuring mabuti ang tinamong sugat sa ulo.

Iniutos na ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang pagtugis sa mga suspek na ayon sa mga residente ng P. Borromeo St. ay posibleng mga drug addict ng Barangay Longos.

AUTHOR PROFILE