Default Thumbnail

Mayor Honey sinuri Lagusnilad rehab

June 1, 2023 Edd Reyes 295 views

PERSONAL na nagsagawa ng pagi-inspeksiyon si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa Lagusnilad Vehicular Underpass na kasalukuyang isinasailalim sa rehabilitasyon ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) Huwebes ng umaga.

Kasama ni Mayor Honey sa pag-i-inspeksiyon si City Engineer Armand Andres na siyang umalalay at nagpaliwanag sa alkalde ng kanilang mga isinasagawang hakbang upang matiyak na matatapos ang proyekto sa itinakda nilang panahon sa buwan ng Setyembre.

Kabilang sa mga aayusin ng lokal na pamahalaan ang pagpapabuti sa drainage system at pag-upgrade ng pumping station upang hindi na malubog sa tubig-baha ang Lagusnilad, lalo na sa panahon ng tag-ulan at ang pagsasa-ayos ng lansangan upang gawing konkreto para na rin sa kaligtasan ng mga dumaraang motorista.

Nauna ng sinabi ng alkalde na may kabuuang halagang P75 milyon ang magugugol sa naturang proyekto kung saan naglaan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng halagang P50 milyon habang P25 milyon naman ang manggagaling sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng pondong ilalaan dito ng tanggapan ni 5th District Congressman Irwin Tieng.

Ipinasiya ng alkalde na balikatin na ng lokal na pamahalaan ang pagsasailalim sa rehabilitasyon ng Lagusnilad Vehicular Underpass kahit na ang kontrol at pangangasiwa nito ay nasa ilalim ng pambansang pamahalaan dahil nasa hurisdiksiyon nila ito at sila aniya ang nilalapitan ng mga nagrereklamong motorista na hindi lamang naiipit sa pagsikip ng daloy ng trapiko kundi marami na ring naganap na disgrasya.

Lumilikha ngayon ng masikip na daloy ng trapiko ang rehabilitasyon ng Lagusnilad dahil isang linya lamang nito ang nadaraanan ng mga sasakyan habang pinayuhan naman ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang mga motorista na gamitin ang inilaang alternatibong ruta.

AUTHOR PROFILE