Robles Iniharap ni P/Cpt. Rowell Robles ang mga suspek sa biktima upang positibong kilalanin ang mga ito matapos na maaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Quiapo, Maynila. Kuha ni JON-JON REYES

‘Laglag-barya’ Gang kalaboso sa drug sting

June 1, 2023 Jonjon Reyes 269 views

ANIM na indibidwal kabilang ang isang lalaki ang natimbog ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) na sinasabing wanted na miyembro umano ng “Laglag-Barya Gang” matapos na maaresto sa isinagawang buy-bust operation habang nagbebenta diumano ng shabu sa Carlos Palanca Street, Quiapo, Maynila kamakailan.

Kabilang sa nadakip ang isang alyas “Jen,” 43, na miyembro umano ng Sputnik Gang at naninirahan sa Quiapo, Maynila at lima nitong “parokyano” diumano na pawang residente ng Cavite City, matapos mamataan ang nakaparadang sasakyan ng mga ito sa C. Palanca St., sa panulukan ng Quezon Boulevard sa Quiapo.

Ayon sa ulat ni Police Captain Rowell Robles, hepe ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) MPD Station 3, bandang 2:30 ng madaling araw nang maispatan ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Station 3 ang asul na Toyota Avanza van sa lugar.

Dahil sa mga kuha ng CCTV, nakilala ang sasakyan na ginamit umano sa modus na “laglag-barya,” makaraang mambiktima ang mga sakay nito ng isang 51-anyos na ginang.

Sa deskripsyon ng biktima, nagtugma ang van at bumalik pa umano sa lugar para mambiktima kasabay na rin umano ang pagbebenta ng iligal na droga sa isang “tulak.”

Lumitaw din sa imbestigasyon na ang mga suspek ay kumikilos sa Pampanga, Laguna, Cavite, at Metro Manila.

Dahil dito, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Article ll ng Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Agad naman nagpaabot ng mensahe bilang pasasalamat at papuri si “The Game Changer General” MPD chief PBGen. Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng Plaza Miranda PCP-MPD PS-3 sa pamumuno ni Robles.

Ito ay pagkilala sa pagtalima ng nasabing istasyon sa Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) at “Oplan Galugad” na programa ng heneral.

AUTHOR PROFILE