Bata

9-ANYOS NABILAUKAN SA KENDI, DEDO

April 19, 2023 Zaida I. Delos Reyes 315 views

PATAY ang isang siyam na taong gulang na batang lalaki matapos mabilaukan sa kinain na chocolate flavored na candy sa loob ng kanilang paaralan nitong Biyernes sa Cadiz City, Negros Occidental.

Ang bata ay hindi na umabot ng buhay sa Cadiz Emergency Clinic.

Batay sa ulat ng Cadiz City School Division, naganap ang insidente dakong 9 a.m. kung saan nagre-recess ang mga bata.

Magkakasabay umanong kumakain ng kanilang mga baon ang mga mag-aaral at nakita nilang kumakain ng chocolate ang biktima habang binigyan pa ito ng siomai na baon ng isa niyang kaklase pero hindi niya ito ng nakain.

Kwento ng guro ng biktima, nakita niyang uminom ng tubig at pagtayo ay pumunta sa kanya hanggang sa bigla na lamang natumba.

Bigla aniyang yumakap ng mahigpit ang biktima sa guro, nangitim at hindi na makahinga kung kaya’t agad-agad na dinala sa clinic.

Binuksan ng guro ang bag ng bata at doon nakita ang supot ng chocolate candy at marami na rin ang walang laman na posibleng nakarami ng kain ang biktima hanggang sa dumikit ito sa kanyang lalamunan at hindi na nakahinga.

Dahil dito, plano ng school division na magsagawa ng first aid at basic life support training sa paaralan habang isasailalim sa psychological debriefing ang mga estudyanteng nakasaksi sa pangyayari.

Humingi naman ang tulong ang ama ng bata na makauwi ang kanyang asawa na isang OFW sa bansang Kuwait upang makita ang kanilang pumanaw na anak.