Posadas

6,784 barangays bibirahin ni Egay–OCD

July 24, 2023 Zaida I. Delos Reyes 225 views

AABOT sa 6,784 barangay sa iba’t-ibang panig ng bansa ang maapektuhan ng bagyong Egay.

Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Director Edgar Posadas na mula sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Central Visayas, Western Visayas, at Eastern Visayas ang mga maaapektuhang barangay.

Sa NCR palang mayroon ng 1,421 barangay ang maapektuhan ng bagyong Egay, ayon sa OCD.

Paliwanag ni Posadas, hindi man tahasang tatamaan ang Metro Manila, mas makabubuti pa rin na mag-ingat ang publiko.

“Although hindi naman directly hit, [mahi-hit] ang Metro Manila, pero dahil sa dami rin ng tao rito at saka ‘yung posibleng pag-ulan, ay mabuti na nandun tayo sa pagiingat at kung kailangan ng preemptive evacuation, we encourage that,” pahayag ni Posadas

Kasama ang Metro Manila sa mga lugar na nasa signal number 1.

Sinabi rin ni Posadas na nakakatanggap na rin sila ng ulat mula Western Visayas kaugnay ng pagkakaroon ng landslides at rockslides subalit hindi pa kumpirmado ito hanggang sa kasalukuyan.