Default Thumbnail

60 pamilya nawalan ng tahanan sa sunog sa QC

April 11, 2021 Melnie Ragasa-limena 398 views

MAY 60 pamilya ang nawalan ng tahanan nang sumiklab ang sunog sa Bgy. Tatalon, Quezon City, nitong Sabado ng hapon.

Batay sa ulat, dakong alas-3:18 p.m. nang magsimula ang sunog sa ikatlong palapag ng isang tahanan na matatagpuan sa Cluster 5, Kaliraya St. sa Bgy. Tatalon, na pagma-may-ari ng isang Florinda Paiste.

Ayon kay Sr. Insp. Karl Aerole Rojales ng Bureau of Fire Protection (BFP)-QC, may naamoy na lamang umano ang mga residente na nasusunog na kable ng kuryente at nang patayin umano nila ang master switch ay bigla na lang may pumutok saka umapoy na ito.

Agad nagtakbuhan palabas ng bahay ang mga residente at hindi na nakapagsalba ng gamit.

Dahil malakas ang hangin, mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang may 30 tahanan na dikit-dikit at pawang gawa sa light materials.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire out dakong alas-4:11 ng hapon.

Ang mga nasunugan ay pansamantalang nanunuluyan sa Light House Baptist Church sa Bgy. Tatalon.

Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa may P450,000 ang halaga ang mga ari-ariang tinupok ng apoy sa sunog. Wala namang iniulat na nasaktan o namatay sa sunog.