6 sundalo, sugatan sa pagsabog ng landmine sa Northern Samar

December 18, 2022 Zaida I. Delos Reyes 104 views

SUGATAN ang anim na miyembro ng Philippine Army (PA) matapos masabugan ng landmine na hinihinalang itinanim ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) nitong Linggo sa Barangay Quirino, Las Navas, Northern Samar.

Ayon kay Capt. Jefferson Mariano, tagapagsalita ng 8th Infantry Division (ID), ang mga biktima na hindi na pinangalanan ay pawang mga miyembro ng 20th Infantry Battalion ng 8th ID.

Batay sa ulat, kasama ang mga biktima sa grupo ng mga sundalong nagbibigay seguridad sa peace and development program sa naturang Barangay.

Binabantayan umano ng mga miyembro ng Mobile Support and Sustainment Program (MCSSP) ng 10th IB ang water system project sa lugar nang aksidenteng masabugan ang mga ito ng landmine na itinanim ng mga rebelde.

Ayon kay 29th IB commander Lt. Col. Joemar Buban, isa ang Barangay Quirino sa pitong barangay sa Las Navas, Northern Samar na mabibigyan Support to Barangay Development Program 2022 bilang bahagi ng National Task Force-ELCAC Program.