Default Thumbnail

6 patay, 9 sugatan sa salpukan ng trak, jeep

January 28, 2023 Zaida I. Delos Reyes 272 views

ANIM katao ang nasawi habang siyam na iba pa ang nasugatan sa salpukan ng isang wing van truck at pampasaherong jeepney nitong Biyernes ng hapon sa Castilla, Sorsogon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Maribel Lomerio Pardillo, 45; Karen Jamisola Maquinana, 45; Erik Dino Deonida, 19; Heidy Locsin Alao, 58; Amparo Candia Bajaro, 60; at Janelle Abarientoz, 17, pawang mga pasahero ng pampasaherong jeepney na may plakang EVF 866.

Isinugod naman sa Castilla District Hospital ang mga nasugatang sina Merly Abarientoz, Antonio Marco, Muhammad Aiman, Arjay Desuyo, Richelle Lasay Destura, Nida Habulan Peralta, Rose Dame E. Diesta, John Juris Valle, James Laurence Marifundom, April Habana Gojo, Erica Joy Carillo, Kayle Mae Castro, Alia Desonia na pawang mga pasahero ng jeepney, at driver na sina Rodolfo Anoevo Licup Jr. at Marlon de Leon Lorenzo.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 3:45 ng hapon nitong Biyernes sa Barangay San Rafael, Castilla, Sorsogon.

Ayon sa ulat, binabagtas ng isang Isuzu wing van na may plakang CBN 1317 na minamaneho ni Lorenzo ang kalsada sa Bgy. San Rafael mula Sorsogon City patungong Legazpi City, subalit pagsapit sa pakurbang daan ay bigla itong sinalpok ng pampasaherong jeepney na minamaneho ni Licup.

Dahil sa lakas ng impact ng banggaan ay nagtamo ng grabeng pinsala ang mga sasakyan at labis na nasaktan ang mga pasahero.

Agad namang rumisponde sa pinangyarihan ng aksidente ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng lalawigan at isinugod sa pagamutan ang mga biktima.

Anim sa mga pasahero ang dead on the spot habang siyam, kabilang ang dalawang driver, ang nagtamo ng grabeng sugat sa iba’t ibang panig ng katawan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang bigyang linaw ang insidente, habang inilagay naman sa kustodiya ng pulisya ang dalawang sasakyan para sa kaukulang disposisyon.