Default Thumbnail

553 katao inilikas sa gitna ng gulo sa NegOcc

May 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 136 views

AABOT sa 553 katao ang lumikas at nagkubli sa ligtas na lugar matapos na maipit sa bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at rebeldeng grupo na New People’s Army (NPA) simula pa nitong Huwebes ng gabi sa bulubunduking lugar sa Kabankalan City, Negros Occidental.

Sa inilabas na pahayag ni Brig. Gen. Orlando Edralin, commander ng 303rd Infantry Brigade (IB), humingi ng tulong ang mga residente sa lugar hinggil sa umano’y pangingikil at panghihingi ng gamot ng rebelde sa komunidad.

Sa pagresponde ng mga sundalo, naka-engkuwentro ng mga ito ang may 15 miyembro ng Sentro De Grabidad Platoon ng Central Negros 2 dakong 6:00 ng hapon sa Sitio Dangalon, Barangay Hilamonan.

Tumagal ng 20 minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkakasugat ng ilang rebelde, ayon sa ulat ng militar.

Sa isinagawang clearing operations, narekober ng militar ang isang M16 rifle, isang M4 rifle, dalawang magazines ng M16, 11 rounds ng 5.56 mm live ammunition, isang bandolier, isang backpack, at dalawang personal na gamit.

“The capture of the high-powered firearms will surely reduce the capacity and weaken the capability of the communist-terrorists to stage terroristic activities in Negros Occidental,” pahayag ni Edralin.

Pinasalamatan naman ni Lt. Col. Van Donald Almonte, commander ng 94th IB, ang tulong ng komunidad sa pagpigil sa pang-aabuso ng mga rebelde.

Batay sa datos ng Philippine Army (PA) nitong Biyernes, 15 katao mula sa tatlong pamilya ang nanatili sa Barangay Hall ng Buenavista, 136 katao mula sa 24 pamilya ang nasa Paloypoy Integrated School; 170 katao mula sa 34 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa Paloypoy Church; at 232 katao mula sa 61 pamilya ang nasa Barangay Hilamonan Gymnasium.

Lahat ng apektado ng gulo ay binigyan ng food packs mula sa City Social Welfare and Development Office.