Screenshot Ang gumuhong tulay na bakal sa Davao City. Kuha mula sa Davao City Police Officed

5 NALIBING NG BUHAY SA GUMUHONG TULAY

July 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 352 views

LIMANG construction worker ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan matapos na gumuho ang tulay na bakal na ginagawa ng mga ito nitong Lunes ng hapon sa Marilog District, Davao City.

Kinilala ni Davao City Police Office spokesperson Captain Hazel Tuazon ang mga nasawi na sina Cris Napao, 44, mason; Jimboy Liga, 28, Elmer Sayson, 44; Jay Bangonan,22 at Rolando Abing ,40.

Isinugod sa Southern Philippines Medical Center ang mga nasugatan na sina Meljay Bero at Jonathan Dispo.

Batay sa ulat ng PNP, ang insidente ay naganap dakong 3:30 p.m. sa Sitio Kibakak, Barangay Malamba.

Gamit ang boom truck, kinukumpuni ng mga biktima ang isang parte ng tulay nang bigla na lamang itong gumuho at natabunan ang mga biktima.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office upang ma-recover ang katawan ng mga biktima.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.