Gatchalian

4Ps AYUDA I-ADJUST VS INFLATION

February 20, 2024 People's Tonight 124 views

Utos ni PBBM:

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Martes ang National Economic and Development Authority (NEDA), Philippine Statistics Authority (PSA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pangunahan ang paghahanap ng paraan upang mas makatugon ang mga tulong ng pamahalaan, partikular ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sa epekto ng inflation o pagtaas sa presyo ng bilihin at serbisyo sa mga pinakamahihirap.

Sa pulong balitaan sa Palasyo, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ibinigay ng Pangulong Marcos Jr. ang atas sa isinagawang sectoral meeting ngayong Martes, kung saan nais ng punong ehekutibo na maisakatuparan ito sa lalong madaling panahon.

“Isa sa mga inatasan niyang pag-aralan namin is paano huwag mag-diminish o mabawasan ‘yung halaga ng mga financial assistance or grants na ibinibigay natin sa ating mga mahihirap na kababayan,” aniya.

“Alam naman natin na ginagawa ng economic team lahat para mapababa ang inflation, pero habang ginagawa ‘yun, kailangan kaakibat ‘yung pagprotekta sa peso value ng mga grants na ibinibigay natin, katulad sa 4Ps at sa iba pang mga programa na nakatuon sa pagbibigay ng social protection sa pinakamahihirap nating kababayan,” sabi pa ni Gatchalian.

Makikipagtulungan aniya ang DSWD sa NEDA at PSA para matukoy ang “best index” na siyang gagamiting batayan para i-adjust ang tulong ng pamahalaan.

“‘Yan ‘yung gist ng meeting kaninang umaga (Martes) na masigurado na naka-price index whether it’s cost of living or price of the essential baskets. We were tasked to work with PSA and the NEDA to find the best index to use to make sure na ang tulong pinansiyal, whether the 4Ps grants or, I guess, all other social protection that we do, i-make sure namin na hindi siya napag-iiwanan kung nagkaroon ng spikes like inflation,” aniya.

Salig sa Republic Act 11310, ang 4Ps program ang naglalaan ng nakatakdang halaga ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo. Upang ito ay maitaas ay kailangan aniya na magpasa ang Kongreso ng bagong batas.

Sabi pa ni Gatchalian na hindi lang nais ng Pangulo na maipatupad sa tamang panahon ang mga social protection program, bagkus ay tumutugon sa mga hamong dala ng inflation.

Kaya imbes na magkaroon ng bagong ayuda, ipinagutos ng Pangulo na magtakda ng pormula kung saan maaari itong itaas-ibaba depende sa kasalukuyang halaga ng bilihin at inflation.

Ani Gatchalian, pumalo sa 6.7 percent ang inflation rate na naranasan ng 30 porsyento ng mga kabahayang may pinakamababang suweldo noong 2023.

Sabi ni Gatchalian na nais ng Pangulo na agad maikasa ang pag-aaral.

“In the President’s term naman lahat, ‘everything has to be done now.’ ‘Di ba sa Bagong Pilipinas hindi pinag-uumaga ang trabaho,” wika pa niya.

AUTHOR PROFILE