Default Thumbnail

35 tahanan natupok sa sunog sa QC, 2 sugatan

February 19, 2023 Melnie Ragasa-limena 322 views

DALAWANG katao ang sugatan nang tupukin ng apoy ang tinatayang aabot sa 35 tahanan sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasugatang biktima na sina Andrie Caser, 23, fire volunteer, na nagtamo ng minor burns sa kanang bahagi ng leeg at si Adrian Mark Torres, 18, na nagtamo naman ng minor burns sa noo.

Batay sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na pasado alas-9:00 ng gabi nang maganap ang sunog sa isang residential area sa Manunggal St. sa Brgy Tatalon, QC.

Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot sa hanggang 35 kabahayan, na pawang gawa sa light materials, ang tinupok ng apoy.

Umabot ang sunog sa ikalawang alarma bago tuluyang naideklarang fire under control dakong alas-11:20 p.m. at tuluyang naapula ito dakong alas-12:41 ng madaling araw kahapon.

Masusi pa namang iniimbestigahan ng mga otoridad ang pinagmulan ng sunog, at inaalam ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.