Default Thumbnail

3 Chinese nat’l arestado sa pagdetine sa kababayan dahil sa utang sa casino

April 9, 2023 Edd Reyes 340 views

ARESTADO ang tatlong Chinese nationals na umano’y puwersahang nagdetine sa kanilang kababayan matapos hindi umano makabayad ng pagkakautang sa Paranaque City.

Sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, nangyari ang insidente ng pagde-detine sa biktimang si Zhou Qing, 33, nitong Huwebes Santo makaraang mabigong magbayad ng pagkakautang sanhi ng pagkatalo ng halagang P500,000 sa casino.

Tinakot umano ng mga suspek ang biktima na ibebenta siya sa kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kung hindi mababayaran ang kanyang pagkakautang.

Nagawa namang makipag-ugnayan ang suspek sa kanyang kasintahang si Anne Rose Burca noong Biyernes Santo na kaagad ding humingi ng tulong sa mga security personnel ng Okada Manila na naging daan upang mailigtas ang biktima at mahuli ang isa sa mga suspek na si Wang Dingding dakong alas-2 ng hapon.

Habang isinasailalim sa pagsisiyasat sa Tambo Police Sub-Station ang naarestong si Wang Dingding, dumating ang dalawa niyang kababayan na sina Ying Jian at Yong Jin Ong upang tulungan ang kanilang kasama.

Gayunman, kinilala sila ng biktima na kabilang sa nagbanta sa kanya na ibebenta sa kompanya ng POGO kung hindi mabayaran ang pagkakautang kaya’t dinakip din sila ng pulisya.

Sinabi ni BGen. Kraft na mahaharap ang tatlong Chinese nationals sa kasong illegal detention sa Paranaque City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE