Default Thumbnail

TAXI DRIVER BINARIL SA MUKHA, DEDO

April 10, 2023 Edd Reyes 249 views

PATAY ang isang motorcycle taxi driver matapos barilin habang natutulog sa upuan na nasa labas ng isang compound Sabado ng gabi sa Caloocan City.

Sa ulat na isinumite ni P/Maj. Darwin Decano, commander ng Sub-Station 12 kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagtamo ng isang tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa mukha ang biktimang si Edgardo Mondalia, 47, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Tinutugis na ng mga pulis ang suspek na si John Bryce Adregamo, alyas “Utoy” 21, residente ng Phase 10, Brgy. 176 Bagong Silang, makaraang ituro ng mga testigo na siyang bumaril sa biktima dakong alas-9:30 ng gabi na noon ay nakatulog makaraang makipag-inuman sa mga kaibigan.

Sinabi ni Maj. Decano na nag-ugat ang pagpaslang sa umano’y ginagawang panggugulo ng biktima sa ilang mga naninirahan sa loob ng compound, kabilang ang suspek at nakatatandang kapatid nito, upang mapilitan silang umalis sa inuupahan nilang tirahan.

AUTHOR PROFILE