Default Thumbnail

3 cellphone ‘snatchers’ tiklo sa ‘One Time, Big Time’ ops

April 20, 2023 Jonjon Reyes 500 views

ARESTADO ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Barbosa Police Station (PS) 14 ang tatlong babaeng sinasabing mga “magnanakaw” sa magkakahiwalay na lugar sa Sampaloc at Quiapo sa Maynila sa magkakasunod na araw.

Unang naireport ang pagkakadakip sa isang suspek, 43 , dalaga, ng Oscaris Street, Quiapo, bandang 3:00 ng hapon sa P. Paredez St. malapit sa panulukan ng Nicanor Reyes St. Barangay 396 sa Sampaloc.

Itinuturo ang suspek ng biniktimang estudyante ng Far Eastern University (FEU) matapos dukutin umano sa kanyang pantalon ang kanyang iPhone Rose Gold na na agad sinaklolohan ng mga nagpapatrolyang pulis na tauhan ni P/Lt. Col. Roberto Mupas, station commander ng nasabing istasyon.

Sunod na dinampot ang isang 31-anyos na suspek, dalaga, ng Bgy. 394 Quiapo matapos puntiryahan nito ang cellphone ng isa na namang estudyante ng FEU, sa P. Campa St., malapit sa España Boulevard sa Sampaloc.

Humingi ito ng tulong sa nagpapatrolyang pulis kaya agad na nakalawit ang suspek. Ayon sa biktima, may lalaking bumundol sa kanya umano at saka umano dinukot ng babaeng suspek ang kanyang cellphone.

Nakatawag pansin sa mga pulis ang pagsigaw nito ng “Mandurukot! mandurukot!” na nasa gitna ng “One Time, Big Time” operations sa Sampaloc.

Isa pang estudyante rin ng nasabing unibersidad ang biniktima sa España Blvd. malapit sa Padre Noval St. matapos daanin sa modus na pagbangga ng mga suspek sa biktima nito.

Agad namang humingi ng tulong sa mga pulis sa paligid ng University Belt at tagumpay na naaresto ang suspek matapos kilalanin ng estudyante na kumuha sa kanyang Samsung A11 cellphone.

Pinapurihan naman ni “The Game Changer General” P/BGen. Andre P. Dizon, MPD director, ang kapulisan ng Barbosa at University Belt Police sa pagbabantay nito sa nasasakupan.

AUTHOR PROFILE