3 Antipoleño pasok sa Filipino Young Farmers Internship Program Taiwan
PASOK ang tatlong Antipoleño sa Filipino Young Farmers Internship Program Taiwan.
Kabilang sina Jayson Hernandez, Armel Flores at Darwin Mabazza, sa pitong kabataang Pinoy sa Calabarzon, na napili.
Sa tulong ng Taipei Economic and Cultural Office, naghanap ang Lungsod ng Antipolo ng mga batang magsasakang Antipoleño para sa internship program ng Agricultural Training Institute.
“Nagpapasalamat tayo sa TECO sa kanilang tulong sa mga kababayan natin. Mapalad po tayo na napili ang tatlo sa mga kabataan natin na makapag-aral doon, para makatulong hanggang sa susunod na henerasyon,” pahayag ni Mayora Andeng Ynares.
Para kay dating mayor at ngayong Antipolo City Spokesperson Jun Ynares, ipinagmamalaki nila ang tatlo na kakatawan sa siyudad.
“Maiuuwi nila ang mahalagang impormasyon na matututunanan nila at makikinabang ang lungsod,” sabi ni Mayor Jun.
Bilang paghahanda nila, mag-aaral sila ng Mandarin para maging pamilyar sa lenggwaheng ginagamit sa Taiwan.
Binigay din sila ng tig-isang laptop na higit nilang mapapakinabangan sa internship program.
Kwento naman ni City Disaster Risk Reduction Management Council chief Relly Bernardo, sinamahan ng LGU ang tatlo sa DFA para magkaroon ng passport at visa.
“Sinagot na din ng Antipolo sa tulong ni Mayora Andeng Ynares at dating Mayor Jun Ynares ang terminal fee sa airport, medical, neuro-psychological at dental examination pati mga damit na gagamitin nila sa Taiwan,” masayang pahayag ni Bernardo.
Lilipad sila papuntang Taiwan sa darating na Hunyo 2021 o sa susunod na buwan.
“Ipagdasal natin ang kanilang tagumpay. Anuman ang kanilang matututunan sa Taiwan ay kanilang maibabahagi sa ating mga kababayan na kapwa nila magsasaka pag uwi nila,” pahayag ni Mayora Andeng Ynares, sabay paalala sa kanila na habang nasa ibang bansa ay huwag kakalimutan ang minimum health protocols.