Default Thumbnail

2 suspek sa droga  huli sa Caloocan

December 21, 2022 Edd Reyes 233 views

DALAWA sa tatlong sangkot sa ilegal na droga ang nadakip ng pulisya habang nagsasagawa ang ilegal na transaksiyon Martes ng madaling araw sa Caloocan City.

Sa ulat na tinanggap ni Caloocan police chief P/Col Ruben Lacuesta, nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ng Sub-Station-6 bilang pagtalima sa programa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jonnel Estomo na S.A.F.E NCRPO dakong alas-3 a.m. sa kahabaan ng Rose St. Brgy. 161 nang lapitan sila ng isang concerned citizen at isinumbong ang nagaganap na transaksiyon ng ilegal na droga sa hindi kalayuan.

Kaagad na tinungo ng mga pulis ang nasabing lugar at inabutan nila ang tatlong suspek sa akto ng pakikipag-transaksiyon ng ilegal na droga subalit kaagad ding nagpulasan ng takbo nang mapuna ang paparating na alagad ng batas.

Hinabol ng mga pulis ang tatlo hanggang ma-korner ang dalawa na nakilalang sina Sharmine Arellano, 36 at pinsang si Jonathan Arellano, 46, kapuwa residente ng Brgy. 161, bagama’t nagawang makatakas ang isa pa nilang kasabuwat.

Sinabi ni Col. Lacuesta na nakumpiska ng kanyang mga tauhan sa dalawa ang may 1.86 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P12,648,00 at isang kalibre .38 revolver habang tinutugis pa ang nakatakas nilang kasama.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa pag-iingat ng ilegal na droga at baril ang mga nahuling suspek sa piskalya ng Lungsod ng Caloocan.

AUTHOR PROFILE